Dinakma ang dalawang 17-anyos na lalaki matapos mahuli sa aktong tinangay ang isang silver na kuwintas ng isang pasahero ng jeep sa kahabaan ng Quezon Avenue sa Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Superintendent Igmedio Bernaldez, hepe ng Galas Police Station (PS-11), ang mga suspek na sina “Cris” at “Mike”, kapwa out-of-school youth, at residente ng Barangay Sto. Niño at San Isidro sa Quezon City.
Ayon sa isa sa mga rumespondeng pulis, nagsasagawa si PO1 Victor Siclangat at ang kanyang mga tauhan ng anti-criminality campaign sa kahabaan ng Quezon Avenue, dakong 8:00 ng gabi, nang masilayan ang dalawa na pakalat-kalat sa kalye.
Sa paghinto ng mga sasakyan dahil sa trapik, tinangay ng dalawa ang kuwintas ng isang pasahero ng jeep at kumaripas palayo.
Hinabol ng mga pulis ang dalawa na naging sanhi ng kanilang pagkakaaresto.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang kutsilyo at narekober din ang kuwintas ng pasahero.
Sila ay dadalhin sa city social welfare office para sa kaukulang disposisyon. - Alexandria Dennise San Juan