INIHAYAG ng dating kalihim ng Department of Health (DoH) na si Dr. Paulyn Ubial na hindi siya nagsisisi na ipinagpatuloy niya ang kontrobersiyal na ngayong programa sa pagbabakuna kontra dengue.
“No regrets. Science is dynamic. We make decisions based on best current available information. If the information today was known then, I would have decided differently,” sabi ni Ubial.
Aniya, walang rekomendasyon mula sa World Health Organization (WHO) nang nagpatuloy ang kagawaran sa pagpapatupad sa naturang programa noong Abril ngayong taon.
“It is public knowledge that (si dating DoH Secretary Janette) Garin launched the Dengue Vaccine Immunization program on April 4, 2016 and WHO position paper on Dengue Vaccine came out July 29, 2016. So how can she claim WHO recommended it?” aniya.
Nang mga panahong iyon, si Ubial ay undersecretary ng DoH.
Sinabi pa ni Ubial na iniluklok siya sa posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang health chief, at tinangka niyang pigilan ang pagbabakuna sa ikalawa at ikatlong dose.
“I stopped it when I took over. But eventually continued it due to the fact that WHO position paper came out July 29, 2016 that it was safe,” sinabi ni Ubial nang tanungin tungkol sa kanyang naging dahilan upang ipagpatuloy ang immunization program.
Isiniwalat niyang inendorso ng Pediatric Society at ng iba pang mga eksperto ang Dengvaxia bilang kaligtasan laban sa nakamamatay na dengue.
Sa huling pagbabago sa Dengvaxia, sinabi ni Ubial na hindi niya pinagsisisihan ang pagbibigay ng “go signal” sa paggamit sa mga natitirang dose sa mga tatanggap ng bakuna.
Inihayag din ni Ubial na handa siyang maging bahagi ng imbestigasyon ng Senado hinggil sa implementasyon ng dengue vaccination program.
Ang kontrobersiya sa Dengvaxia ay nagsimula nang isinapubliko ng Sanofi Pasteur nitong Nobyembre 29 na ang bakuna ay maaaring magdulot ng malalang kaso ng sakit sa mga tinurukan nito na hindi pa nagkakaroon ng dengue.
Kaya ipinatigil ng DoH ang dengue immunization program at binawi ng Food and Drug Administration (FDA) ang Dengvaxia mula sa merkado. - PNA