Ni Beth Camia at Mary Ann Santiago

Pinag-iingat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko sa pagkalat ng mga pekeng pera ngayong malapit na ang Pasko.

Ayon kay Mrs. Evelyn Tanagon, ng BSP-Ilocos Norte, posibleng maglabasan na naman ang mga pekeng pera habang papalapit ang Pasko.

Paliwanag ni Tanagon, hindi maiiwasan na may mga gagamit ng pekeng pera upang ipambili ng Christmas gifts.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dahil dito, payo ni Tanagon sa publiko na tingnang mabuti ang perang ibibigay o isusukli sa kanila.

Aniya, ang mga tunay na perang papel ay magaspang, samantalang ang peke ay malambot at madaling lukutin.

PINAHUSAY ANG DISENYO

Inilabas na rin ng BSP ang mga perang papel na may “enhanced designs” o mas pinahusay ang disenyo.

Nilinaw ng BSP na wala itong binago sa New Generation Currency bagamat pinatingkad ang ilang disenyo para mabigyan ng pansin ang kasaysayan at likas na yaman ng bansa.

Nabatid na sa mga banknote na inilabas simula nitong Disyembre 5, mapapansin ang ilan sa pagbabago gaya ng nakalagay sa P200 bill, kung saan naka-highlight ang Declaration of Philippine Independence at ang Malolos Congress, habang makikita naman sa P50 bill ang katagang “Leyte Landing October 1944” mula sa “Leyte Landing” sa lumang pera.

Inalis din ang imahe ng Order of Lakandula Medal at ang katagang “Medal of Honor” sa P1,000, habang mapapansin ang pagbabago sa format ng mga scientific names at sa font size o laki ng letra ng “year mark” sa P20, P50, P100, P200, P500 at P1,000.