Heat, nanlamig sa Warriors; Rockets, nagpaulan ng tres sa Staples Center.
MIAMI (AP) — Naglaan ng isang araw na bakasyon si coach Steve Kerr para sa Golden State Warriors. At tila, nagbigay ng bagong lakas sa reigning NBA champion ang pagtampisaw sa beach ng Florida.
Nagsalansan si Stephen Curry ng 30 puntos at nag-ambag si Kevin Durant ng 24 puntos para sandigan ang ratsada ng Warriors sa third-quarter tungo sa dominanteng 123-95 panalo kontra Miami Heat nitong Linggo (Sabado sa Manila).
At para sa dagdag na pahinga, hindi na pinaglaro ni Kerr sina Curry at Durant sa fourt period.
“Just needed to get some sun and hit the clubs,” pahayag ni Kerr. “That’s what the coaches and I did. We were out all night.”
Kumubra si Klay Thompson ng 19 puntos sa Warriors, sinimulan ang second half sa mainit na 18-3 run para tabunan ang Miami, 37-17, sa third period. Sa pagsisimula ng fourth period, lumobo ang bentahe ng Golden State sa 99-77.
Sa kabila ng pamamaga ng mga daliri sa kanyang shooting hand, tumipa si Curry ng 16 puntos sa first quarter, at 10 puntos sa third.
“Nothing magical or no secret sauce to it,” sambit ni Curry. “Just trying to be efficient.”
Nanguna si Goran Dragic sa natipang 20 puntos sa Heat.
“Golden State took it to a different level,” sambit ni Heat coach Erik Spoelstra. “What I wanted to see was a competitive response.”
ROCKETS 114, LAKERS 95
Sa Staples Center, kumana ng tig-apat na three-pointer sina James Harden at Chris Paul sa mistulang shooting clinics ng Houston Rockets na nagbaon sa Los Angles Lakers.
Matapos ang pagtabla sa pagtatapos ng first period, sumagitsit ang Rockets sa 10-0 blast para isara ang halftime tangan ang 15 puntos na bentahe. Nakabawi nang bahagya ang Lakers, ngunit muling rumatsada sina Paul at Harden sa pinagsamang 15-5 run sa third period.
Umabot sa 24 puntos ang abante ng Houston, 114-90, mula sa three-pointer ni Paul may 1:40 ang nalalabi sa laro.
Hataw si Harden sa natipang 36 puntos at siyam na assists para sa ikapitong sunod na panalo ng Houston (18-4), habang kumubra sina Eric Gordon at Paul ng 22 at 21 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna si rookie Kyle Kuzma sa Lakers, nagtamo ng ikalimang sunod na kabiguan, sa naiskor na 22 puntos, habang humugot si Brandon Ingram ng 18 puntos at siyam na rebounds.
WOLVES 112, CLIPPERS 106
Sa Minneapolis, ginapi ng Timberwolves, sa pangunguna nina Jimmy Butler na may 33 puntos at Taj Gibson na may 20 puntos, ang Los Angeles Clippers.
Naisalba ng Wolves ang matikas na opensa ni Austin Rivers na kumana ng season-high 30 puntos, tampok ang career best na pitong three-pointer. Ang huling tres ni Rivers ay nagbigay ng 92-91 bentahe para sa Clippers may 6:54 ang nalalabi sa laro.
Subalit, kumarga ng siyam na sunod na puntos si Butler para tuluyang makontrol ang laro at ipalasap sa Clippers ang ikatlong sunod na kabiguan.
Nag-ambag si Karl-Anthony Towns ng 15 puntos at 12 rebounds para manguna ngayong season na may 19 double-double performance.
THUNDER 90, SPURS 87
Sa Oklahoma City, kinumpleto ni Russell Westbrook ang triple-double performance sa matikas na three-pointer sa krusyal na sandali para malusutan ng Thunder ang matikas na San Antonio Spurs.
Tumipa si Westbrook ng 22 puntos, 10 rebounds at 10 assists – ikapitong triple-double ngayong season – para pangunahan ang Thunder sa ikalawang sunod na panalo at tuldukan ang four-game streak ng kulang sa player na Spurs.
Hindi na nakalaro si Kyle Anderson sa third period nang ma-injury sa kanang tuhod at mapasama sa listahan ng Spurs na nagpapagaling ng kani-kanilang injury tulad nina star player LaMarcus Aldridge, Tony Parker, Kawhi Leonard at Rudy Gay.
Humakot si Steven Adams ng 19 puntos at 10 rebounds para sa Thunder (10-12), habang nalimitahan sina Carmelo Anthony at Paul George sa pinagsamang 17 puntos.
Nanguna si Dejounte Murray sa Spurs (15-8) na may 17 puntos at 11 rebounds.
Sa iba pang laro, nagwagi ang Orlando Magic sa New York Knicks, 105-100.