ISANG hakbang tungo sa ‘basketball immortality’.
Maihihilera sa ‘Guinnes record’ ang National University women’s basketball team matapos gapiin ang University of the East, 89-61, kahapon sa Game 1 ng UAAP Season 80 women’s basketball finals sa Araneta Coliseum.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng top seed Lady Bulldogs para maidepensa ang korona, ngunit higit pa rito ang markang uukit sa kasaysayan dahil hindi pa natatalo ang NU sa loob ng limang season para sa kabuuang 63 sunod na laro, kabilang ang 15 sunod ngayong season.
Nagposte ng kanyang career best na 30 puntos si Trixie Antiquera na kinabibilangan ng season best pitong triples mula sa 10-of-18 shooting o 56 percent sa field bukod pa sa apat na rebounds.
Mula sa 16-2 panimula, hindi na lumingon pang muli ang Lady Bulldogs sa halftime para sa bentahe na 20 puntos sa iskor na 43-21.
Naging sentro ng depensa ng Lady Warriors ang mga sentro ng Lady Bulldogs na sina Rhena Itesi at Season Most Valuable Player Jack Daniel Animan. Ngunit, nagkaroon ng pagkakataong malibre ang mga shooters ng NU partikular si Antiquiera
Tumapos na leading scorer para sa UE si Mythical Team member Love Sto.Domingo na may 17 puntos
Samantala, pinarangalan ang mga season individual top performers sa halftime ng laban na kinabibilangan nina Animan at Sto. Domingo kasama ang iba pang Mythical Team members na sina Jhen Angeles ng University of Santo Tomas, at sina Itesi at Ria Nabalan ng NU. - Marivic Awitan
Iskor:
NU (89) - Antiquera 30, Nabalan 16, Animam 10, Camelo 8, Ano-os 8, Itesi 7, Harada 5, Cacho 3, Del Carmen 2, Sison 0, Ceno 0, Layug 0, Lopez 0, Tanesa 0.
UE (61) - Sto. Domingo 17, Francisco 12, Cortizano 11, Tacula 9, Chan 6, Gayacao 4, Ramos 2, Antonio 0.
Quarterscores: 22-7; 43-21; 63-34; 89-61.