NAIUKIT ni San Miguel Beer head coach Leo Austria ang kanyang pangalan sa aklat ng kasaysayan matapos maging unang coach na umangkin ng Virgilio “Baby” Dalupan trophy— isang bibihirang karangalan na makakamit lamang ng isang coach kapag nanalo sya ng PBA Press Corps’ coach of the year award sa tatlong sunod na taon.

Tinalo ng 59-anyos na si Austria, para sa parangal bilang 2017 PBAPC Coach of the Year sina Barangay Ginebra coach Tim Cone, TNT KaTropa mentor Nash Racela at Magnolia (dating Star) Hotshots coach Chito Victolero .

Muling nakuha ni Austria ang boto ng press corps matapos gabayan ang Beermen sa nakaraang Philippine Cup at Commissioner’s Cup championships.

Napigil lamang ang target niyang Grand Slam nang talunin sila ng sister team Ginebra sa season-ending Governors’ Cup.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Samantala, kasamang tatanggap ng karangalan ni Austria sa taunang pagtitipon si SMC president and chief executive officer Ramon S. Ang bilang Executive of the Year.

Ang iba pang awards na ipamimigay ay ang Order of Merit, Scoring Champion, Comeback Player, All Rookie Team, Defensive Player, All Defensive Team at Mr. Quality Minutes. - Marivic Awitan