Sugatan ang isang Indian, na nangongolekta ng pautang, matapos kunin ang kanyang pera at barilin sa paa ng isang lalaki at isang babaeng sakay sa motorsiklo sa Quezon City nitong Sabado.

Kinilala ni Police Superintendent Christian Dela Cruz, hepe ng Kamuning Police Station (PS-10), ang Indian na si Harman Malhi Harsimikan Singh, 20-anyos na moneylender, at nakatira sa Matahimik Street, Teacher’s Village sa Quezon City.

Ayon sa isang saksi, nagpunta si Singh sa kanyang bahay sa Mabilis St., Barangay Pinyahan upang kunin ang perang ipinautang sa kanyang ng huli.

Nang iaabot na niya ang pera sa biktima, isang hindi pa nakikilalang lalaki, na nakasuot ng helmet at naka-backpak at sakay sa itim na motorsiklo na minamaneho ng isang babae, ang sumulpot sa kanilang harapan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bumaba ang lalaki mula sa motorsiklo, bumunot ng baril, at pilit kinuha ang nakolektang pera ng biktima na P1,500 cash.

Hindi pa nakuntento, binaril si Singh ng suspek bago tuluyang sumakay sa motorsiklo at tumakas patungo sa direksiyon ng Matapang Street.

Rumesponde ang kapatid ni Singh, si Marinder, sa lugar at isinugod East Avenue Medical Center ang biktima ngunit hindi na ito umabot nang buhay. - Alexandria Dennise San Juan