NANG sabihin ni Pangulong Duterte sa isang news conference nitong Nobyembre 10, sa APEC Summit sa Vietnam, na hindi na siya magdedeklara ng pamahalaang rebolusyonaryo para sa Pilipinas dahil kontra rito ang militar, ikinatuwa ito ng marami na nangangamba sa magiging epekto ng nasabing uri ng gobyerno sa ating mga demokratikong institusyon.
Gayunman, sa kanyang pagbabalik sa Davao City nitong Nobyembre 19 ay binigyang-diin ng Pangulo na “if things go out of control and government is weakened” at tatangkain ng kanyang mga kritiko na patalsikin siya sa puwesto, hindi siya mangingiming magdeklara ng pamahalang rebolusyonaryo. Hindi batas militar, aniya, dahil masyadong nililimitahan ng Konstitusyon ang batas militar.
Gaya ng inaasahan, umani ng mga kritikal na komento at pagpapahayag ng pangamba mula sa iba’t ibang sektor ang huling pahayag na ito ng Presidente. “There is no legal basis for the declaration of a revolutionary government. The institutions continue to be working, although there might be some attempts to downgrade their capabilities,” sabi ni Integrated Bar of the Philippines President Abdiel Fajardo. Magiging isa itong “feeble excuse” para sa pamumunong authoritarian, sabi naman ni Albay Rep. Edcel Lagman. “Justice, human rights, and the rule of law are being mocked,” komento naman ni Human Rights Commissioner Roberto Cadiz.
Gayunman, naniniwala si Sen. Panfilo Lacson na hindi seryoso ang Pangulo sa naging banta nitong magdedeklara ng pamahalaang rebolusyonaryo. Dagdag pa ni Secretary of Foreign Affairs Alan Peter Cayetano: “Take him seriously always on his objective, but do not take literally his solution.” Para naman sa political analyst na si Ramon Casiple, ang pagbanggit ng Presidente tungkol sa pamahalaang rebolusyonaryo ay isang “propaganda war.”
Nitong Nobyembre 21, muling nagsalita ang Pangulo tungkol sa usapin nang bumisita siya sa mga sugatang sundalo sa Army General Hospital sa Taguig City. “Ang sabi nilang revolutionary government, coup d’etat, huwag ninyong intindihin ‘yan, malayo ‘,” aniya.
At ‘yan ang huling kabanata sa serye ng pagpapahayag ng opinyon ng Pangulo tungkol sa usapin. Ang mga nakakakilala sa kanya, gaya nina Senator Lacson at Secretary Cayetano, at nagbigay na ng katiyahan na wala tayong dapat na ipangamba.
Na ipinahahayag lamang ng Presidente ang determinasyon nitong isakatuparan ang mga plano nito para sa bayan nang walang hadlang. Mas mainam naman kung mismong sa Pangulo magmumula ang pagbibigay-katiyakang ito, isang pinal na deklarasyon na hindi na bibigyan ng iba pang kahulugan.