Ni: Johnny Dayang

SA pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales, idaraos ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI) ang ika-22 National Press Congress nito, na may mandato ng Presidential Proclamation 1187, sa Disyembre 1-3, ngayong taon sa Balin Sambali Conference facility sa Iba, Zambales. “Towards a Stronger Media and Tourism Partnership for Socio-economic Development” ang tema nito.

Ang pagbibigay ng importansiya ng PAPI sa usaping Turismo ay tiyak na angkop. Ang Turismo ay isa napakahalaga at kapaki-pakinabang na industriya. Walang bansa ang nalugi ang puhunan sa turismo. Ito ay napatunayan ng Thailand, Malaysia, Singapore, Macau, Hong Kong, Vietnam at iba pa. Sa Pilipinas, napatunayan na rin ito ng Albay, Baguio, Boracay, Palawan, Tagaytay at marami pang iba.

Ang karamihan sa banyagang turista natin ay mula sa South Korea, China, US, at Japan. Kamakailan lamang, lumahok ang Pilipinas sa World Travel Market event sa London upang hikayatin ang mga Ingles na pumasyal sa ating bansa. Bunga ng gumagandang ugnayan natin sa China, inaasahang lampas sa ISANG MILYONG turistang Chino ang dadalaw sa Pilipinas ngayong taon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi malayong magkaroon ng kaganapan ang pitong milyong tourist-arrivals target natin ngayong taon. Ang bilang noong 2016 ay 5.97 milyon. Sa talaan ng Department of Tourism, nitong nakaraang Agosto, mahigit 4.5 milyong dayuhang turista na ang bumisita sa ating bansa. Maaaring higit na malaki na bilang ngayon dahil libu-libo ang dumating kaugnay ng katatapos na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit at iba pang kaugnay na mga pagpupulong na pinamahalaan ng Pilipinas.

Maaaring maging inspirasyon ng ibang LGU ang mga karanasan ng Albay sa turismo. Mula sa 8,700 banyagang bisita noong 2006, napalobo ito ng Albay sa 374,949 noong 2015. Lumobo rin ang mga turistang Pinoy sa lalawigan 1,417,646 noong 2016 mula sa 124,675 noong 2006. Malaki ang naiambang ng turismo sa paglago ng local economy at nakatulong itong mapababa ang kahirapan ng lalawigan sa 15% ngayon mula sa 41% noong 2007 na iniulat kamakailan ng Philippine Statistics Authority. Natamo ang tagumpay na ito sa panahon ng... tatlong-terminong pagka-gobernador mula 2007 hanggang 2016 ni Joey Salceda na ngayo’y kongresista na ng lalawigan.

Sinabi ni Salceda, na senior vice chairman ngayon ng House Ways and Means Committee, na kumpiyansa siya na patuloy na lalago ang turismo ng Albay na suportado ng nailatag ng mga programa, at matutupad ang target nilang limang milyong turista at $1 bilyong puhunan sa maigsing panahon.

Tunay ngang malaki ang naiaambag ng turismo sa paglago ng ekonomiya at ito’y hindi imposibleng pangarap.