LAYUNING maihanda ng maaga ang kanilang koponan para sa susunod na NCAA season, sasali ang University of Perpetual Help sa darating na PBA D League sa susunod na taon.

Kasalukuyang nagpapalakas ang Altas matapos mawala ang Nigerian big man na si Bright Akhuetie bago magsimula ang nakaraang Season 93.

Sa pagkawala ni Bright, bumagsak ang Altas at nagtapos na pang siyam sa NCAA Season basketball sa markang 4-14.

Kaya naman, nagdesisyon silang lumahok sa D League bilang bahagi ng kanilang “rebuilding process “.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“We’re joining the D-League to toughen the players and team as a whole and gain experience,” pahayag ni Perpetual Help consultant Nosa Omorogbe.

Pangungunahan ang Perpetual Help team nina 6-11 Nigerian Prince Eze,AJ Coronel, Kieth Pido, Jack Hao at Antonio Tamayo.

Kabilang din sa Altas squad sina Edgar Charcos na isang transferee mula sa University of the East, Krystoffe Jimenez na galing naman ng Far Eastern University at Anthony Peralta na mula sa Cagayan de Oro.

Kasama din sa roster at naghahangad na mapabilang sa regular roster ng Altas sina Danreb Antonio, Julius Tiburcio, Kim Aurin, Jerome Pacia, Jonmarc Precillas, Isidro Salvador, Marcus Tongco, Jonrey Villanueva, Rommel Mangalino at Carl Soriano.

Bukod sa Perpetual Help, nauna nang nagpahayag ng intensiyong lumahok sa D-League na magbubukas sa Enero ang NCAA runner up Lyceum of the Philippines University, Jose RizalUniversity at St. Benilde. - Marivic Awitan