ni Bert de Guzman
TANGING ang military at police ang pakikinggan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte hinggil sa extension ng martial law sa Mindanao. Ayon kay Mano Digong, ang mga rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang sinasandalan ng isang presidente kapag may isyu tungkol sa martial law o emergency situation.
Katig siya sa assessment ng AFP na kailangan pa ang martial law sa Mindanao bunsod ng mga banta ng terorismo sa rehiyon. “Kung ano ang sasabihin ng military at police, sila ang nakikipaglaban kung kaya dapat nating paniwalaan,” ayon kay PRRD. Hindi raw umiimbento lang ng mga pangyayari o report ang AFP at PNP sa sitwasyon sa katimugan, lalo na ang mga banta ng terorismo sa Maguindanao at Marawi.
Hindi siya naniniwala na sangkot ang mga kawal sa pag-abuso sa Marawi City, taliwas sa mga alegasyon ng ilang human rights group, tulad ng Amnesty International o AI. Sa pahayag ng AI, kapwa may kasalanan o guilty ang mga sundalo at Maute-ISIS sa mga pag-abuso at pagnanakaw ng mga kagamitan, pera at iba pang ari-arian sa lungsod.
Para kay Philippine Ambassador to the United Nations Teodoro Locsin, dapat lang mag-abstain ang PH sa pagboto sa isang draft resolution na nananawagan sa gobyerno ng Myanmar na tigilan ang military campaign laban sa naturang bansa.
Dapat daw mag-abstain ang Pilipinas bilang respeto sa Muslim at non-Muslim states ng ASEAN, tulad ng Singapore at Thailand. Bumoto naman ng “No” sa draft resolution ng UN ang Cambodia, Laos at Vietnam. Ang Malaysia, Brunei at Indonesia, na pawang Muslim countries, ay bumoto pabor sa resolusyon. Libu-libong Rohingyas na kabilang sa Muslim group sa Myanmar ang dumaranas ngayon ng persecution sa bansang karamihan ay Buddhist.
Halos ninety percent ng mga tao na dumaranas ng labis na kahirapan sa buhay sa Southeast Asia ay mula sa Indonesia at Pilipinas. Ito ang isa sa findings ng report na may titulong “Association of Southeast Asian Nations-China-United Nations Development Programme Report on Financing the Sustainable Goals in ASEAN: Strengthening Integrated National Financing Frameworks to Deliver the 2030 Agenda”.
Sa remarks ni Vongthep Anthakaivalvatee, deputy secretary general for ASEAN Socio-Cultural Committee, sinabi niya na “ASEAN’s greatest asset is its people and program forming will enable them to reach their potential”. Hindi ba kahit saan ay nakakalat ang mga Pinoy sa iba’t ibang bansa? May 30 milyong mamamayan sa rehiyon ang “still live in below the international poverty line, with almost ninety percent of them living in Indonesia and the Philippines,” ayon sa report.
Para kay Speaker Pantaleon Alvarez, secretary general ng PDP-Laban, napipisil niyang isama sa senatorial elections sa Twenty Nineteen sina Harry Roque, Mocha Uson, Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez, Davao City Rep. Karlo Nograles, Bataan Rep. Geraldine Roman, at ex-MMDA Chairman Francis Tolentino. Tugon ni Senate President Koko Pimentel, pangulo ng PDP-Laban, iyon ay sa listahan ni Alvarez.