Ni Robert R. Requintina
Muling magbabalik ang Filipino-German beauty queen na si Pia Alonzo Wurtzbach sa 66th Miss Universe pageant sa The Axis of Planet Hollywood sa Las Vegas, Nevada, sa Nobyembre 26 (Nobyembre 27 sa Maynila).
Ngunit sa pagkakataong ito, isa si Wurtzbach sa mga huradong pipili sa bagong Miss Universe.
Bukod kay Wurtzbach, uupo ring hurado ang American television personality na si Ross Mathews, ang Venezuelan-American Internet personality na si Lele Pons, ang TV host at make-up artist na si Jay Manuel, ang Fox Sports host na si Megan Olivi, at ang abogado na ngayong si Miss Universe 1998 Wendy Fitzwilliam.
At sa ikatlong pagkakataon, ang American television personality at author na si Steve Harvey, na nagkamaling ihayag ang pagkapanalo ni Miss Colombia bilang 2015 Miss Universe sa sa halip na Miss Philippines (Wurtzbach), ang magho-host ng show.
Si Wurtzbach ang ikapitong Pinoy na naging hurado sa Miss Universe pageant, kasunod ng yumaong Foreign Affairs secretary na si Carlos P. Romulo, ng dating chairman ng Manila Bulletin Publishing Corporation at philanthropist na si Don Emilio T. Yap, nina Kuh Ledesma, Josie Cruz Natori, Lea Salonga at Manny Pacquiao.