Ni AARON B. RECUENCO
Makalipas ang mahigit isang taon ng pagtatago sa batas, naaresto na ang 26-anyos na pangunahing suspek sa P1.6-bilyon investment scam, na bumiktima rin ng multi-milyong piso mula sa isang Egyptian engineer.
Sinabi ni Supt. Roque Merdegia, hepe ng Anti-Transnational Crime Unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-ATCU), na matagal nang pinaghahanap ng pulisya si Darlito Marquez dela Cruz, matapos itong kasuhan ng syndicated estafa noong Marso 2016.
Hulyo 2016 nang ilabas ng Quezon City regional trial court ang arrest warrant laban kay dela Cruz at sa iba pang opisyal ng Hyper Program International (HPI) Direct Sales and Trading Corporation.
Nanalong Mr. Globe for Luzon noong 2010, si dela Cruz ang sinasabing board chairman ng HPI. Inaresto siya bandang 1:00 ng hapon nitong Linggo sa Henson Ville sa Angeles City, Pampanga.
Ang arrest warrant laban kay dela Cruz ay nag-ugat sa kasong isinampa ng Egyptian na si Asraf Mohamed Abdelrahma Akl at ng Pinay na misis nito, na nakolektahan ng P15 milyon at $300,000 ng grupo ni dela Cruz.
Batay sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), naloko umano ng HPI ang nasa 16,000 investor, karamihan ay overseas Filipino worker na nakabase sa Middle East.
Nabatid sa background check na nag-recruit ang HPI ng mga investor sa pamamagitan ng Facebook sa paghimok sa mga itong mamuhunan sa mga produktong cosmetics, at health at wellness.
Kapalit nito, nangako ang HPI na kikita ng 30-35 porsiyento ang investor sa loob ng 40-45 araw.
“HPI investors and customers were swayed by the suspect to invest money with a promise of huge interests and/or products/merchandise which will yield high profits,” saad sa pahayag ng CIDG. “The problem was that HPI failed to deliver to their patrons after the latter had put in their cash investments, which started to raise doubts and suspicions about HPI until the company closed and ceased operations in November 2016 taking away with them over a billion peso worth of investments they received from their customers.”