Golden States, umarya sa seven-game streak; Cavs, nakaalpas.

OAKLAND, Calif. (AP) – Naginit ang opensa ng Golden State Warriors sa third quarter para maitarak ang 110-100 panalo kontra Orlando Magic nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa dinumog na Oracle Arena.

Ramdan ng Warriors ang pagkawala ni star playmaker Stephen Curry, napahinga bunsod ng pamamaga ng kanang pige, sa kawalan ng tamang direksyon ng play sa first half.

Ngunit, sa second half, pinasan nina Kevin Durant at Shaun Livingston, pumalit kay Curry bilang starter, ang Golden State para sa 22-7 run na nagpalobo sa bentahe ng Warriors sa 78-63 sa kalagitnaan ng third period.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nanindigan ang Warriors at naisalba ang bawat pagtatangka ng Magic na makadikit para selyuhan ang panalo.

Nanguna si Durant sa Warriors (11-3) sa naiskor na 21 puntos, walong assists at pitong rebounds, habang kumana si Draymond Green ng 20 markers. Kumubra sina Livingston at Klay Thompson ng 16 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Hataw si Nikola Vucevic sa Magic (8-6) na may 20 puntos.

CAVS 104, KNICKS 101

Sa New York, naghabol ang Cleveland Cavaliers mula sa 23 puntos na kalamangan para usugin ang Knicks.

Kumawala ang outside shooting ng Cavaliers sa final period, sa pangunguna nina three-point specialist Kyle Korver at Channing Frye para makumpleto ang come-from-behind win ng Cavs.

Kumubra si James ng 23 puntos, habang tumipa si Korver ng 21 puntos mula sa bench.

WOLVES 109, JAZZ 98

Sa Salt Lake City, ratsada si Karl-Anthony Towns sa naiskor na 24 puntos at 13 rebounds, habang humugot si Jimmy Butler ng 21 puntos at 10 assists sa panalo ng Minnesota Timberwolves sa Utah Jazz.

Nag-ambag si Jeff Teague ng 22 puntos at humirit si Taj Gibson ng 15 puntos at 10 rebounds sa Minnesota (8-5).

Nanguna sa Jazz (6-8) si Donovan Mitchell sa naiskor na 24 puntos at kumana si Rodney Hood ng 16 puntos.

Sa iba pang laro, naitala ni Jordan Clarkson ang season-high 25 puntos para sandigan ang Los Angeles Lakers sa 100-93 panalo kontra Phoenix Suns.

Nanguna si Devin Booker sa Suns na may 36 puntos

Nagwagi naman ang New Orleans Pelicans sa Atlanta Hawks, 106-105. at pinayuko ng Washington Wizards ang Sacramento Kings, 110-92.