NAGING masyadong abala ang mga nakalipas na araw para sa mga pinuno mula sa iba’t ibang dako ng mundo.

Ang pulong ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) para sa mga pinuno sa Asia at sa iba pang bansa sa Dagat Pasipiko ay idinaos sa Da Nang, Vietnam nitong Nobyembre 8-10, na sinundan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits sa Maynila sa Nobyembre 12-14.

Nagharap-harap na ang sampung pinuno ng mga bansang ASEAN sa Philippine International Convention Center (PICC) kahapon ng umaga, na sinundan ng ASEAN-United States Summit sa hapon, ng ASEAN-China Summit, ng ASEAN-Republic of Korea Summit, ng ASEAN-Japan Summit, at ng ASEAN-United Nations Summit.

Ang mga pagpupulong na ito ng mga presidente at mga prime minister ay nagbigay ng oportunidad sa mga pinunong ito upang talakayin ang iba’t ibang mahahalagang usapin. Halimbawa, maraming pag-uusapan sa pagitan nilang dalawa sina US President Donald Trump at China President Xi Jinping, kabilang na ang isinusulong na balanseng kalakalan, at ang problema sa North Korea.

Pangunahing tinalakay sa mga group at bilateral meetings ang usaping pang-ekonomiya, lalo na kung ikokonsidera ang katotohanang ang ASEAN — ayon kay Japan Prime Minister Shinzo Abe — ang sentro ng pag-unlad sa daigdig sa kasalukuyan. Ang populasyon nito ay lumobo sa nakalipas na 50 taon, mula sa 180 milyon sa 640 milyon na ngayon, habang ang pinagsama-samang Gross Domestic Product (GDP) nito ay umalagwa nang may isandaang beses, mula sa $22.5 billion ay tinatayang nasa $2.6 trillion na ngayon.

Dahil ang Pilipinas ang chairman ng ASEAN sa ika-50 anibersaryo nito ngayong taon, si Pangulong Duterte ngayon ang nasa sentro ng mga talakayan. Sa inaugural dialogue sa pagitan ng ASEAN at APEC sa Vietnam, sinabi niyang nakikinita niya ang higit pang pagtutulungan ng dalawang organisasyon, at ang ASEAN ang magsisilbing “regional pathfinder” para sa “open regionalism” ng APEC—o ang mas malawak na pagbibigay-daan para sa pagsasakatuparan ng mas malayang kalakalan sa Asya at sa Pasipiko.

Pagkatapos ng serye ng top-level meetings sa dalawang kumperensiya, inaasahan natin ang pagbubuo ng mga konkretong hakbangin at iba’t ibang programa sa mga susunod na buwan. Pawang mahahalaga ang mga pagpupulong na ito na may pangmatagalang epekto sa pandaigdigang ugnayan, at tayo ang nasa sentro ng lahat ng ito.