Ni Mary Ann Santiago
Pansamantalang lumiban si Indian Prime Minister Narendra Damodardas Modi sa ilang aktibidad para sa 31st Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit sa bansa para pangunahan ang pamamahagi at pagsusukat ng 150 libreng prosthetic limb sa mga Pinoy, at kabilang sa mga nakinabang dito ang 14 na sundalong nakipagbakbakan sa Marawi City.
Dakong 1:30 ng hapon kahapon nang magtungo ang Indian Prime Minister sa Museum of Ideas sa compound ng Philippine General Hospital (PGH), sa Padre Faura Street sa Ermita, Maynila upang pangunahan ang aktibidad.
Kasama ni PM Modi si Mahaveer Philippines Foundation, Inc. head Dr. Veerendra Mehta at ang mga opisyal ng PDP-Laban sa Maynila na sina 3rd District Councilor Bernardito Ang at dating 5th District Councilor Felix Espiritu.
Marami na umanong sinuportahang kahalintulad na charitable activities ang Prime Minister, at hinikayat pa ang mga taong nangangailangan din ng libreng tulong na bisitahin ang naturang foundation o kaya naman ay dumulog kina Ang at Espiritu.
Sinabi naman ni Ang na ang naturang foundation ay matagal nang namamahagi ng mga libreng prosthetic limb sa Pinoy amputees, kabilang ang mahihirap, sa nakalipas na 28 taon at umabot na sa mahigit 10,000 katao ang natulungan ng nasabing programa.
Nabatid na ang isang knee prosthetics ay nagkakahalaga ng P132,000, habang ang below the knee prosthetics ay nasa P30,000.