Anim na pulis at ilang militante ang nasugatan nang muling magkasagupa kahapon ang mga pulis at libu-libong raliyista na tumututol sa pagtungo sa bansa ni United States President Donald Trump, matapos na muling magpumilit ang mga demonstrador na makalapit sa US Embassy at sa Philippine International Convention Center (PICC), sa Ermita, Manila, kasabay ng pagsisimula ng 31st Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit.
Ayon kay National Capital Region Police Office chief P/Director General Oscar Albayalde, pawang minor injuries lamang naman ang tinamo ng mga pulis, na kaagad na isinugod sa pagamutan.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), pasado 10:00 ng umaga nang magtipun-tipon sa Taft Avenue, kanto ng Padre Faura Street sa Ermita, ang mga raliyista na nanggaling sa Liwasang Bonifacio, para tangkaing makalapit sa US Embassy at sa PICC, na pinagdarausan ng summit.
Gayunman, hindi sila pinayagan ng mga awtoridad, na nagbarikada pa sa lugar, kaya’t sinubukan ng mga raliyista na buwagin ang hanay ng mga pulis.
Dito na napilitan ang mga awtoridad na bombahin ng tubig ang mga raliyista.
Nambato naman ang mga raliyista ng mga kahoy, bote at tsinelas sa mga pulis, kaya nasugatan ang anim sa mga ito.
Ito na ang ikatlong beses na nagkasagupa ang mga pulis at mga raliyista na nais makalapit sa US Embassy, at ilang militante at pulis na rin ang nasaktan.
Kaugnay nito, nakiusap naman si Albayalde sa mga raliyista na huwag maging marahas sa kanilang pagra-rally.
Aniya, pinag-aaralan na ng NCRPO kung sasampahan ng kaso ang mga raliyista. - Mary Ann Santiago