ni Bert de Guzman
MATINDI ang paninindigan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na hindi siya papayag na lektyuran o pagsabihan ni US Pres. Donald Trump o ng sino mang lider na dadalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) tungkol sa human rights issues, partikular sa pamamaraan ng kanyang giyera sa droga. Nais niyang ipaalam sa kapwa mga pinuno ng iba’t ibang bansa na siya ay dumalo sa APEC bilang puno ng isang “sovereign state”.
Tama rito si Mano Digong. Sabi niya: “I will not go there as a subservient lackey of anyone, including what you would like to hear from me but which you cannot ask maybe or later on about human rights.” Dalawa kasing US lawmaker ang humihimok kay Trump na sabihan si PRRD hinggil sa “profound concern” o pagkabahala ng Washington hinggil sa mga ulat ng drug-related extrajudicial killings sa Pilipinas. Sila ay sina Reps. James McGovern ) Democrat, Massachusetts) at Randy Hultgren, Republican ng Illinois).
May katanungan ang nag-oobserbang mga Pinoy: “Kung si Pangulo ay hindi talagang lackey o tau-tauhan ng sino man, eh bakit pag pinagsabihan siya ni Chinese Pres. Xi Jinping tungkol sa konstruksiyon ng mga kanlungan o nipa huts para sa mga Pinoy fishermen sa Sandy Clay sa Pagasa Island, tiklop-tuhod siya agad at bahag ang buntot?”
Gayunman, mula sa Da Nang, Vietnam, napabalita noong Biyernes na igigiit niya sa China na pagtibayin o i-ratify ang Code of Conduct on the South China Sea kasabay ang pagkuwestiyon sa intensiyon ng Beijing na magpalakas at magtayo ng bagong mga isla sa West Philippine Sea o South China Sea. Kung totoo ang balita mula sa Da Nang, ipupursige raw ng ating Pangulo ang nasabing isyu kay Xi Jinping sa bilateral meeting nila noong Sabado. Nakausap kaya niya si Jinping at hindi naging isang “subservient lackey” ng pangulo ng bansang may 1.3 bilyong populasyon?
Hinggil sa usapin ng problema sa trapiko, lumalabas na ika-3 ang Pilipinas sa may pinaka-worst na trapiko sa Asya. Bumilib ang mga botante noong kampanyahan kay PRRD sa pangako niyang reresolbahin ang araw-araw na usad-pagong ng mga sasakyan sa Metro Manila, lalo na sa EDSA. Pero para raw lalo pang lumala ang trapiko ngayong magdadalawang taon na sa puwesto si PDu30.
Batay sa pag-aaral na kinomisyon ng Uber company, sinabi ni Uber Philippines general manager Laurence Cua, may 66 na minuto kada araw ang naaaksaya ng mga tao o motorista sa Maynila. Nangunguna ang Bangkok sa bigat o problema sa trapiko na may 72 minuto ang naaaksaya araw-araw, kasunod ang Jakarta na may nasasayang na 68 minuto.
Ang sumunod sa ‘Pinas sa problema sa trapiko ay ang Hanoi at Kuala Lumpur. Kaya ngayon, umiiwas na akong lumabas ng bahay para magdaan sa EDSA o sa iba pang lugar. Panawagan kay Dept. of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade: “Gising, gising Ginoong Tugade. Ang problema sa trapiko ay hindi lang ‘state of the mind’ tulad ng sabi mo noon, kundi isang katotohanan talaga.”