NAGAWANG makaiskor ni Shaun Livingston ng Golden State Warriors sa isang play sa first period ng laban sa Philadelphia Sixers. Nagwagi ang Warriors. (AFP)
NAGAWANG makaiskor ni Shaun Livingston ng Golden State Warriors sa isang play sa first period ng laban sa Philadelphia Sixers. Nagwagi ang Warriors. (AFP)

OAKLAND, California (AP) — Sumisingasing ang opensa ni Kevin Durant sa naiskor na 29 puntos sa kanyang pagbabalik mula sa isang larong pagkawala bunsod ng injury sa hita para sandigan ang Golden State Warriors sa 135-114 dominasyon kontra Philadelphia 76ers nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Hataw din si Stephen Curry sa nakubrang 22 puntos at siyam na assists para malagpasan ang 4,000-assist mark sa kanyang NBA career. Nag-ambag sina Draymond Green ng 10 puntos, 10 rebounds, pitong assists, limang blocks at dalawang two steals at Klay Thompson na may 23 puntos.

Hindi nakalaro si Durant nitong Miyerkules kontra Timberwolves bunsod nang pamamaga ng kaliwang hita. Laban sa Sixers, tila nagdahilan lamang ang one-time MVP.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nanguna si JJ Redick sa Sixers sa naiskor na 17 puntos.

Naitala ng Warriors ang ikaanim na sunod na panalo at 17 o higit pang puntos sa bawat laro para sa averaged na 122.8 puntos.

Umusad ang Golden State sa unang double digit na bentahe, 86-76, mula sa three-pointer ni Nick Young may 4:14 ang nalalabi sa third period. Mula rito, hindi na nakaporma ang Sixers na natalo sa Warriors sa ikaanim na sunod na pagkakataon sa Oracle Arena.

CAVS 111, MAVS 104

Sa Dallas, hataw si Kevin Love sa naiskor na 29 puntos at 15 rebounds, habang kumasa si Kyle Korver ng 13 puntos sa fourth quarter sa panalo ng Cleveland Cavaliers kontra Mavericks.

Naghabol ang Mavericks sa 11 puntos sa final period, ngunit nagawang makadikit sa isang puntos lamang, subalit bigo silang maagaw ang momentum ng laro.

Nanguna si Harrison Barnes sa Mavs sa natipang 23 puntos, habang humarbat si Dennis Smith, Jr. ng 21 puntos para sa Dallas, tabla sa Atlanta bilang NBA’s worst record sa 2-11.

Nalimitahan si LeBron James, may averaged 36 puntos, sa 19 puntos.

BUCKS 98, LAKERS 90

Sa Milwaukee, sinundan ng Bucks ang matikas na panalo sa road game sa impresibong tagumpay sa home game laban sa Los Angeles Lakers.

“It was tough. A lot of us were tired,” pahayag ni Giannis Antetokounmpo, patungkol sa panalo ng Bucks sa San Antoni, 94-87, nitong Biyernes.

“We played hard last night, but to validate last night’s win we needed to win tonight,” aniya.

Ratsada si Antetokounmpo sa nakubrang 33 puntos at season-high 15 rebounds para masawata ang Lakers, sa pangunguna ni rookie Lonzo Ball.

Tinanghal si Ball bilang pinakabatang player sa kasaysayan ng NBA history na nakagawa ng triple-double -- 17 puntos, 13 assists at 12 rebounds. Sa edad na 20-anyos at 15 araw, nalagpasan ni Ball si LeBron nang apat na araw na mas bata sa naturang tagumpay.

“I really don’t care,” sambit ni Ball. “I just wanted to win tonight. I thought we put ourselves in a good position to get it, but it didn’t happen.”

PELICANS 111, CLIPPERS 103

Sa New Orleans, ratsada si DeMarcus Cousins sa naiskor na 35 puntos at 15 rebounds, habang humugot si Anthony Davis ng 25 puntos at 10 rebounds sa panalo ng Pelicans kontra Los Angeles Clippers.

Nanguna si Blake Griffin sa Clippers sa naiskor na 27 puntos, habang humirit si DeAndre Jordan ng 12 puntos at 14 rebounds.

Sa iba pang laro, ginapi ng Phoenix Suns, sa pangunguna nina Devin Booker at T.J. Warren na kumaa ng tig-35 puntos, ang Minnesota Timberwolves, 118-110; pinataob ng Denver Nuggets ang Orlando Magic, 125-107; at tinalo ng San Antonio Spurs ang Chicago Bulls, 133-94.