10-game winning streak sa Celtics; Warriors, may limang dikit.

OAKLAND, Calif. (AP) — Nahila sa lima ng Golden State Warriors ang winning streak nang magarote ang Minnesota Timberwolves, 125-101, nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Nagsalansan si Klay Thompson ng 28 puntos, tampok ang anim na 3-pointers, habang kumasa si Stephen Curry ng 22 puntos, walong assists at walong rebounds para maisalba ang malamyang simula ng Warriors tungo sa dominanteng panalo.

Hindi nakalaro si Kevin Durant bunsod ng pamamaga sa kanang hita na nabugbog sa laro laban sa Miami Heat nitong Lunes. Sa kabila nito, ipinamalas ng Warriors ang lakas at tikas higit sa third period kung saan naiskor nila ang season-best quarter na 44 puntos.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kumubra si Draymond Green ng pitong puntos, anim na rebounds, anim na assists at dalawang blocks, habang tumipa si Omri Casspi ng 13 puntos, tatlong block at dalawang steals at naitala ni Andre Iguodala, pumalit kay Durant sa starting line-up, ang season-high 11 puntos.

Nanguna si Andrew Wiggins sa Wolves sa naiskor na 17 puntos at kumubra si Karl-Anthony Towns ng 16 puntos at 12 rebounds sa pagkaputol ng kanilang five-game winning streak.

CELTICS 107, LAKERS 96

Sa Boston, napantayan ni Aron Baynes ang career high 21 puntos, habang kumana si Kyrie Irving ng 19 sa panalo ng Celtics sa Los Angeles Lakers.

Humugot din si Baynes ng walong rebounds at tatlong assists para sa ika-10 sunod na panalo ng Boston matapos ang back-to-back na kabiguan.

Humarurot ang Celtics sa 20 puntos na bentahe sa second quarter, ngunit nagawa itong matapyas sa dalawa ng ng Lakers sa third period. Sa krusyal na sandali, nanlamig ang Lakers sa 5-of-18 shooting at may anim na turnovers.

Nanguna sina Brandon Ingram at Jordan Clarkson sa Lakers sa tig-18 puntos. Nag-ambag si Julius Randle ng 16 puntos at 12 rebounds.

Natikman naman ni rookie Lonzo Ball ang ngitngit ng crowd nang ma-booed ang No. 2 overall. Tumapos siya na may siyam a puntos, anim na assists at limang rebounds.

SUNS 126, HEAT 115

Sa Phoenix, umiskor si dating Phoenix guard Goran Dragic ng season-high 29 puntos para pangunahan ang Miami Heat laban sa Suns.

Naitumpok ng Heat ang 12 3-pointers para sa 53.1 percent at nadomina ang laro mula simula hanggang sa final buzzer.

Umabante ang Heat sa 94-86 sa fourth period mula sa 7-0 run na pinagbidahan ng European star. Nanguna si Hassan Whiteside sa naiskor na 23 puntos, 10 rebounds at apat na block shots sa Miami.

Hataw si Devin Booker ng 30 puntos sa Phoenix, habang kumasa si Mike James ng 18 puntos.

Sa iba pang laro, ginapi ng Detroit Pistons, sa pangunguna ni Tobias Harris na may 23 puntos, ang Indiana Pacers, 114-97; naungusan ng Orlando Magic ang New York Knicks, 112-99.