Ni: PNA

WINALIS ng Vietnam ang first Southeast Asian Beach Handball championships na ginanap nitong weekend sa Dumaguete City.

Itinuturing Asia’s powerhouse sa sports na sinisimulan pa lamang matutunan ng Pinoy, nakopo ng Vietnam ang kampeonato sa men’s at women’s class.

Pinangunahan ni Dumaguete Mayor Felipe Antonio Remollo ang pagbibigay ng medalya at premyo sa kampeon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Tinapos ng Vietnam ang kampanya sa women’s division na walang gurlis, habang ang kanilang men’s team ang nagtamo ng isang talo sa kamay ng Team Philippines na bagong binuo pa lamang ng Philippine Handball Federation.

Sumegunda ang Thailand sa parehong division, habang pangatlo ang host Philippines.

Maging si Mahmood Khokhar, kinatawan ng Asian Handball Federation, ay nasopresa sa matikas na kampanya ng locals sa kabila ng katotohanan na nagsisimula pa lamang ang sports na makilala sa bansa.

“With hard work, players and teams get rewarded,” pahayag ni Khokhar.

Ipinahayag naman ni Mayor Remollo ang kahandaan ng lungsod na magsilbing host sa mas malaking international competition ng handball.

Ayon kay National coach Joana Franquelli, bukod sa maipakita sa Pilipino ang kagandahan ng sports, ang torneo ay nagsilbing paraan upang higit na maunawaan ng Pinoy ang basic ng naturang sports na unti-unting sumisikat sa international scene.

Nagsagawa rin ng workshop at clinics ang International Federation.