Mahigit 7,000 ang inaasahang kukuha ng bar examinations ngayong taon, na magsisimula ngayong Linggo, sa University of Sto. Tomas (UST) sa Maynila.
Nakapagtala ang Office of the Bar confidant ng 7,227 law graduates na kukuha ng 2017 bar examinations sa apat na Linggo ng buwang ito.
Mas mataas ang bilang na ito sa 6,831 bar examinees noong nakaraang taon.
Tiniyak naman ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na nakalatag na ang seguridad na ipatutupad nila sa bisinidad ng UST.
Ayon kay MPD spokesman Supt. Erwin Margarejo, dakong 4:00 ng umaga pa lamang kahapon ay nai-deploy na nila sa paligid ng unibersidad ang nasa 700 pulis-Maynila.
Kasado na rin ang paneling ng Explosive and Ordnance Division (EOD), ang pagkakabit ng CCTV camera sa lahat ng sulok ng UST, at nagpakalat na rin ngb medical staff sakaling magkaroon ng anumang emergency.
Sinabi ni Supt. Margarejo na hindi papayagan ang paglalagay ng mga tarpaulin at mga tent sa UST, pagpapatugtog nang malakas, at bawal ding uminom at magbenta ng alak sa paligid ng unibersidad sa panahon ng bar exams. - Jeffrey Damicog at Mary Ann Santiago