Warriors, Cavs, at Spurs, nadiskaril.
OAKLAND, Calif. (AP) – Sa ikatlong sunod na laro, naghabol ang Golden States Warriors, ngunit sa pagkakataong ito nabigo ang defending champion na makaahon sa laban.
Nanindigan ang Detroit Pistons sa krusyal na sandali para maisalba ang matikas na paghahabol ng Warriors at maitakas ang 115-107 panalo nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Oracle Center.
Nanguna si Avery Bradley sa ratsada ng Pistons sa final period para makontrol ang tempo ng laro at angkinin ang ikalimang panalo sa pitong laro at 3-1 sa road game.
Nakamit ng Warriors ang ikatlong kabiguan sa pitong laro at 2-2 sa home game.
Hataw si Bradley sa naiskor na 23 puntos mula sa 8-of-13 shooting, habang kumana sina Reggie Jackson ng 22 puntos, Tobias Harris at Ish Smith ng tig-16 puntos.
Kumubra ang Big Three ng Warriors ng kabuuang 84 puntos, ngunit wala nang ibang player sa bench ang nakaiskor ng double digits.
Kumana si Klay Thompson ng 29 puntos, tumipa si Kevin Durant ng 28 puntos at nag-ambag si Steph Curry ng 27 puntos.
KNICKS 114, CAVS 95
Sa Cleveland, nagtamo rin ng kabiguan sa home court ang Cavaliers nang gulantangin ng New York Knicks sa Quicken Loans Arena.
Nanguna si Tim Hardaway Jr. sa Knicks, umabante sa 29-19 sa first quarter tungo sa dominanteng panalo.
Nagawang makatabla ng Cavaliers sa 49-all mula sa jumper ni Kevin Love, ngunit nabigo silang masustinahan ang opensa sapat para maka-abante ng todo ang karibal.
Nailista ng Knicks ang magkasunod na panalo matapos mabigo sa unang tatlong laro, habang natikman ng Cavaliers ang ikatlong sunod na kabiguan.
Nag-ambag sa Knicks sina Kristaps Porzing sa natipang 13-for-27 para sakabuuang 32 puntos, habang nagsalansan sina Enes Kanter at Lee chipped ng 18 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod.
PACERS 97, SPURS 94
Sa Indianapolis, naisalpak ni Victor Oladipo ang step-back 3-pointer may 10.1 segundo ang nalalabi para sandigan ang Indiana Pacers kontra San Antonio Spurs.
Nagsalansan ang dating Indiana University star sa naitumpok na 23 puntos at limang assists, habang tumipa sina Domantas Sabonis ng 22 puntos at 12 rebounds.
Ito ang ikatlong pagkakataon sa 20 paghaharap na nakapanalo ang Pacers sa Spurs.
Kumana si LaMarcus Aldridge ng 26 puntos at walong rebounds para sa San Antonio, naglaro na wala sina All-Stars Kawhi Leonard at Tony Parker. Bunsod ng kabiguan, ikalawang sunod ng Spur, nabigo si Spurs coach Gregg Popovich na pantayan ang NBA career record ni Phil Jackson.
BUCKS 117, HAWKS 106
Sa Atlanta, patuloy ang maangas na opensa ni Giannis Antetokounmpo sa nakubrang 33 puntos para sandigan ang Bucks kontra Atlanta Hawks.
Humugot din siya ng 11 rebounds at limang assists, habang umiskor si Khris Middleton ng 27 puntos para sa ikatlong panalo sa limang laro ng Bucks.
Sa kabuuan ng apat na laro, nakasamsam ang tinaguriang ‘Greek Freak’ ng 175 puntos, 53 rebounds at 28 assists – pinakamatikas na simula ng isang player sa kasaysayan ng NBA sa loob ng limang laro.
“We came out, and Giannis was really aggressive,” pahayag ni Bucks guard Malcolm Brogdon. “He got us off to a good start offensively and on the defensive end. We followed his lead.”
Nanguna sa Atlanta sina Dennis Schroder na may 21 puntos, habang nag-ambag si Taurean Prince ng 17 puntos. Natamo ng Atlanta ang ikaanim na sunod na kabiguan.
Sa iba pang laro, pinayuko ng Washington Wizards ang Sacramento Kings, 110-83; at ginapi ng Charlotte Hornets ang Orlando Magic, 120-113.