Nasawi ang isang buntis sa loob mismo ng kaniyang bahay matapos siyang pasukin ng isang lasing na lalaki sa Badoc, Ilocos Norte.
Ayon sa mga ulat, natutulog ang biktima nang pasukin ng lasing na suspek ang kaniyang tinitirhan. Sinasabing sa loob na ng naturang bahay nakahanap ng kutsilyo ang suspek bago niya isinagawa ang krimen.
Nang makita ang tulog na biktima, doon na raw niya ito inundayan ng saksak. Nagtamo ang buntis na biktima ng dalawang saksak sa kaniyang katawan.
Lumalabas din sa imbestigasyon na katabi ng biktima ang isa pa niyang menor de edad na anak nang saksakin siya ng suspek. Ligtas naman ang bata na walang tinamong galos mula sa insidente.
Matapos ang pananaksak, kaagad na tumakas ang suspek at iniwan ang kutsilyo sa bahay ng biktima.
Samantala, dead on arrival na nang naisugod sa ospital ang biktima.
Sa ikinasang operasyon ng pulisya, mabilis na nadakip ang suspek. Depensa niya, lango raw siya sa alak at hindi umano niya alam ang krimeng ginawa niya.
Napag-alamang minsan na ring nakulong ang suspek kaugnay pa rin sa kasong murder. Kasalukuyan na siyang nasa kustodiya ng mga awtoridad na nahaharap sa kakukulang kaso.