Ibinahagi ng pamunuang Light Rail Manila Corporation (LRMC) na iniimbestigahan na nila ang pangyayari sa likod ng umano’y pagpapanggap ng isang pasahero bilang Persons with Disability (PWD) upang mas mabilis na makabili ng ticket.
Mapapanood sa kasalukuyang viral TikTok reel na nakapila ang isang pasahero sa priority lane ng isang LRT-1 ticket station kahit hindi ito umano PWD.
Makikita rin sa nasabing video na paika-ika ang pasahero nang i-abot nito ang ticket sa kasama ngunit tila nakakalakad na nang diretso pagkapasok sa istasyon upang makasakay ng tren.
Kaya saad ng LRMC, kasalukuyan na nilang nire-review ang kaso at iniimbestigahan ang mga pangyayari sa insidente dahil ang priority lane sa kanilang mga pila ay hindi “shortcut.”
Bagkus, ito ay dedikadong espasyo para sa senior citizens, PWDs, mga buntis, at mga pasaherong may dalang bata sa pagbiyahe.
“LRMC is currently reviewing this case and investigating the circumstances surrounding the incident. We take such matters seriously, as these actions undermine the systems put in place to ensure a seamless travel experience for those who truly need it,” saad ng pamunuan.
“We would like to remind the general public that the priority lane is strictly and solely dedicated to senior citizens, persons with disabilities (PWDs), pregnant women, and passengers traveling with children. These lanes are not a shortcut; they are an important service for individuals who require extra assistance and consideration,” dagdag pa nito.
Bilang paalala, ipinayo ng LRMC sa publiko na iwasan ang anumang paggaya sa mga nasa vulnerable sectors para lamang may mai-content o para sa pangsariling kapakanan dahil ang pagkakaroon ng kondisyon o sakit ay hindi dapat ginagawang biro o “life hack.”
Ipinanawagan din ng pamunuan ang respeto at pagiging maunawain sa priority passengers upang mapanatili at mapagtibay ang kultura ng kagandahang-loob sa bawat istayon.
“We urge everyone to refrain from performing such acts for the sake of ‘content’ or personal convenience. Having a disability is not a joke, and it should never be used as a punchline or a life hack. We call on all commuters to show respect and empathy toward our priority passengers to maintain a culture of courtesy within our stations,” panawagan ng LRMC.
Sean Antonio/BALITA