ni Dave M. Veridiano, E.E.

“TAMA NA. Sobra na. Itigil na ang walang katarungang pagpatay sa mahihirap na magkakapitbahay na katulad namin!” Ang namamayaning daing ng mga nakatira sa San Andres Bukid, Maynila na kung ituring mga pulis ay DAGANG DINGDING ng lipunan dahil sa kanilang nagdarahop na kalagayan sa buhay.

Nito lamang nakaraang linggo, 39 na residente ng San Andres Bukid ang biglang nagkaroon ng lakas ng loob na lumaban sa mga pulis-Maynila. Gumising na sila at kumawala sa halos mag-iisang taon na rin na pang-aalipin sa kanila sa takot ng mga pulis na nakatalaga sa Manila Police Department (MPD)-Station 6.

Sa kanilang petisyon na isinumite sa Supreme Court, na may petsang Oktubre 19, 2017, hiningi ng 39 na magkakapitbahay na bigyan sila ng ganap na proteksiyon laban sa mga walang habas na pagpatay sa mga sumusukong ‘di naman armadong kalugar nila. Proteksiyon din laban sa ‘di makatarungang pagsalakay sa kanilang mga tahanan tuwig dis-oras ng gabi, ng mga armado ngunit ‘di naman unipormadong umano’y operatiba, habang ang mga lehitimong pulis ay nakabantay at nakatanghod lamang sa mga pinagagagawa ng mga “raider”.

Karamihan sa naaresto at napatay ng mga pulis sa MPD-Station 6 ay pawang “pinaghihinalaang” gumagamit at nagtutulak ng ilegal na droga, na umano’y napilitang barilin dahil nagtangkang manlaban.

Nagbigay dagdag-tapang sa mga inaapi nating kababayan ang grupong Center for International Law (Centerlaw), na pinangungunahan ng ilang aktibong mamamahayag sa mainstream media, sa pangunguna ni Atty Rommel Bagares. Sa kanilang petisyon, inisa-isa nila ang mga pangyayari na ikinamatay ng 35 nilang kapitbahay sa giyera ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.

Gaya halimbawa ng sinapit ni Joseph Baculi, na sinasabing nakipagbarilan sa mga pulis ngunit pinabulaanan ng mga kapitbahay na hindi ito nanlaban. Ang nakaririmarim sa ginawa ng mga pulis ay ang paghagis kay Baculi mula sa ikalawang palapag ng bahay palagpak sa bangketa, habang ito ay nag-aagaw-buhay pa…Dinig na dinig umano ng mga kapitbahay ang pag-aray nito bago nalagutan ng hininga. Hindi raw kasi magkasya sa pintuan kaya sa bintana pinaraan!

Ang pagpatay kay Jerry Estreller habang binubugaw niya ng apoy ang mga langgam na gumagapang patungo sa natutulog niyang anak. Pumasok na lamang bigla sa kanilang bahay ang mga armadong lalaking nagpakilalang pulis at walang awa siyang binaril sa harapan ng kanyang mga mahal sa buhay. Hindi pa nasiyahan, ang naulila ng kanilang pinatay ay dinala sa MPD-Station 6 para sampahan ng kaso at ikulong.

Sa takot ng magkakapitbahay na mangyari rin ito sa kanila, halos dalawang buwan silang umaalis sa kanilang barung-barong para matulog sa bangketa sa gilid ng palengke, habang ‘yung iba ay sa mga nakaparadang jeep hanggang sumikat uli ang araw. Bumabalik lamang sila kapag maliwanang na ang paligid…dalawang kuwento lamang ito mula sa 35 makabagbag-damdaming pagpatay sa San Andres Bukid!

Sana ang katapangang ipinakita ng magkakapitbahay sa San Andres Bukid ay maging halimbawa sa ibang pang lugar sa buong bansa, na ang buhay ng mga mahihirap ay ginagawa lamang na harimunan ng mga alagad ng batas para kumita ng malaking halaga mula sa reward na nakalaan sa ulo ng mga sinasabi nilang “Dagang Dingding” sa ating lipunan.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]