ANG Undas ay isang relihiyosong paggunita at tradisyong bayan para sa mga Pilipino bilang pagbibigay-pagpapahalaga sa mga pumanaw nang mahal sa buhay. Ipinagdiriwang ng Simbahan ang Nobyembre 1 bilang Todos los Santos at ang Nobyembre 2 bilang Araw ng mga Kaluluwa, subalit pinagsasama ng mga Pilipino ang dalawang paggunitang ito sa isang malaking okasyon sa sama-sama nilang pagdagsa sa mga sementeryo upang bisitahin ang puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Sa nakalipas na mga araw ay nagsimula nang bumisita sa mga sementeryo ang ilang magkakaanak upang magpintura at maglinis ng mga puntod at musoleo. Dahil napakaraming tao ang dumadagsa tuwin Nobyembre 1 at 2, pinipili ng ilan na dumalaw nang mas maaga sa mga puntod, gaya ngayon, at maraming iba pa ang bibisita kahit pagkatapos ng linggong ito.
Ang mga taga-Metro Manila ay nagsisiuwian naman sa kani-kanilang lalawigan sa mga panahong ito, kaya naman nagluluwagan ang mga kalsada, isang pambihirang tanawin sa karaniwan nang pagsisiksikan sa trapiko. Kapareho ito—bagamat mas kakaunti pa rin—sa milyun-milyong Tsino na nagbibiyahe patungo sa kanilang mga probinsiya tuwing Chinese New Year.
Ipinagdiriwang ang Todos los Santos tuwing Nobyembre 1 bilang pagbibigay-pugay sa lahat ng santo ng Simbahang Katoliko, Anglican Church, Methodist, Lutheran, at iba pang simbahang Protestante. Ginugunita naman tuwing Araw ng mga Kaluluwa ang mga namayapang Kristiyano.
Bagamat may mga seremonya sa mga simbahan, ang okasyon ay higit na ginugunita sa mga sementeryo sa pagsisindi ng mga kandila at pag-aalay ng mga bulaklak sa puntod ng mga yumao sa maraming bansa, kabilang ang France, Italy, Spain, at Portugal sa Europe; Argentina, Bolivia, at Chile sa South America; at estado ng Louisiana sa Amerika.
Makalipas ang tatlo at kalahating siglo ng pananakop ng mga Espanyol, kabilang na ngayon ang Undas sa mga malawakang ipinagdiriwang na okasyon sa bansa. Sa ilang lalawigan, grupo-grupo ng mga tao ang nagbabahay-bahay pagsapit ng gabi upang mangaluluwa. Subalit ang pinakakaraniwang tradisyon sa Pilipinas ay ang pagdagsa ng mga pamilya sa mga sementeryo para mag-alay ng kandila, bulaklak, at panalangin sa mga puntod ng mga mahal sa buhay, habang patuloy na ipinagdarasal ang kanilang kaluluwa.
Sa panahong napapagitna ang ating bansa sa mga ulat ng maraming pagpatay, iregularidad sa gobyerno, terorismo at rebelyon, ipinaaalala sa atin ng Undas ang kahulugan ng pagiging Pilipino para sa atin — isang bansang relihiyoso na buong tapat na tumatalima sa mga turo ng Simbahan at sa sinaunang tradisyon ng pagbibigay-galang sa mas nakatatanda at pagmamahal sa pamilya, kabilang silang mga yumao na.