ni Bert de Guzman
NAPIKON si PNP Chief Director General Roland “Bato” dela Rosa noong Martes dahil sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasaad na mas maraming Pilipino ang may duda sa katwiran ng police na ang pinaghihinalaang drug pushers at user ay nanlaban kung kaya nila binaril at napatay.
Sa SWS survey na ginawa noong Setyembre 23-27, 2017, 37% ng adult Filipinos ang naniniwalang hindi nagsasabi ng totoo ang mga pulis. Tumaas ito nang kaunti dahil noong Hunyo, may 28% lang ng mga Pinoy ang nagdududa. May 17% naman ang naniniwala sa bersiyon ng mga tauhan ni Gen. Bato na totoong NANLABAN ang mga tulak at adik. Noong Hunyo, 25% ang naniniwala sa mga pulis, pero ngayong Setyembre ay bumagsak ito sa 17%.
Gayunman, may 45% sa mga respondent (1,500 lahat) ang hindi makapagsabi kung nagsasabi ng totoo ang mga pulis o hindi. Sa Metro Manila may pinakamaraming nagdududa (47%) at tanging 13% lang ang naniniwala sa mga “bata” ni Gen. Bato. Sa tinatawag na Balance Luzon, 44% ang malaki ang duda sa mga pulis at 13% ang naniniwala sa bersiyon ng police na NANLABAN ang pushers at users kaya nila binaril.
Binatikos ni Gen. Bato ang SWS dahil sa pagpapalabas ng ganitong resulta na parang inuunti-unti (piecemeal) ang pag-atake sa PNP kaugnay ng anti-drug campaign. Pinuna rin niya ang SWS kung bakit ini-release pa ang survey results kahit inalis na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa PNP ang pagiging lead agency sa drug on war ng Duterte administration at inilipat na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Marahil ang hindi batid ni Gen. Bato ay ang solidong paniniwala at pagpabor ng mga mamamayan sa inilulunsad na giyera ni Mano Digong laban sa ilegal na droga. Marahil ay 100% ang kumporme sa hangarin ng ating Pangulo na sugpuin ang illegal drugs, itumba ang tunay na mga drug pusher, user at dealer, pero dapat ding itumba ang drug lords at big-time shabu suppliers, tulad ng mga nagpalusot ng P6.4 bilyon halaga ng shabu sa Bureau of Customs (BoC).
Ang kinokontra at hindi pinapaboran ng mga Pilipino ay ang parang walang habas na pagsalakay ng mga pulis sa mga barung-barong, barangay, kalye at lansangan na kinaroroonan ng mga pipitsuging tulak at adik. Walang habas din umanong binaril ng police operatives ang mga suspek gayong sumusuko na at wala namang baril na hawak o illegal drugs na dala-dala.
Sapul nang ilipat sa PDEA ang pagiging lead agency sa drug war, ‘di ba ninyo napansin o naobserbahan na kumaunti ang napapatay gabi-gabi ng mga pulis? Sana ay magtagumpay ang PDEA sa kampanya nito laban sa ilegal na droga, hulihin nang buhay ang mga pusher at user at huwag basta-basta babarilin gaya ng ikinakatwiran noon ng mga pulis na NANLABAN daw ang mga ito.