Ni CHINO S. LEYCO
Ipinag-utos ni Finance Secretary Carlos Dominguez III sa Bureau of Customs (BoC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na paigtingin ang kampanya ng mga ito laban sa smuggling ng bigas at apat pang pangunahing bilihin habang masusing pinagpaplanuhan ang pagtatatag ng isang joint task force na tutugis sa mga big-time smuggler.
Inatasan ni Dominguez sina Customs Commissioner Isidro Lapeña at BIR Commissioner Caesar Dulay na seryosong tutukan ang pagpupuslit ng bigas, petrolyo, bakal, sigarilyo, karneng manok, sibuyas, bawang, at iba pang produktong agricultural.
Ipinalabas ng kalihim ang nasabing direktiba makaraang iprisinta ni Lapeña sa pulong ng Executive Committee (ExeCom) ng Department of Finance (DoF) ang plano niyang bumuo ng isang joint task force kasama ang BIR upang mapaigting ang kampanya ng BoC kontra smuggling.
“Make sure that you’re working together there. I think you should focus on fuel, rice and other agricultural products, including chicken, onions, garlic. And then there is steel, and then cigarettes. I’m sure the smuggling of cigarettes will go up now,” sabi ni Dominguez.
Ayon sa kalihim, itinigil ng Mighty Corp. ang operasyon nito bilang bahagi ng kasunduan sa gobyerno na babayaran muna ang lahat ng utang nito sa buwis, at nakatanggap si Dominguez ng mga ulat ng pagpupuslit ng sigarilyo dahil nag-uunahan ang mga illegal trader na palitan ang kumpanya, na nagbenta ng murang yosi—dahil sa paggamit ng mga pekeng tax stamp.
Nakipagkasundo ang Mighty Corp. na magbabayad sa gobyerno ng P25 bilyon, na aabot pa sa mahigit P30 bilyon kapag idinagdag ang value-added tax at iba pang bayarin, kaya naman ito ang “biggest tax settlement” sa kasaysayan ng bansa.