Isang Chinese businessman ang ninakawan ng mahigit P2.3 milyon matapos makipagkita sa dalawang Chinese holdup suspects na nagpanggap na house agents at pinangakuan siya ng isang unit sa isang magarang condominium building sa Pasay City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Fugui Lai, 28, mula sa Quanzhou, China, at pansamantalang tumutuloy sa Dynasty Tower na matatagpuan sa Bambang corner Jose Abad Santos Avenue sa Tondo, Maynila.

Kinilala lamang ni Lai ang pangunahing suspek na si alyas Tony. Kapwa tinutugis ang dalawang suspek.

Base sa inisyal na imbestigasyon, si Lai, na nangangailangan ng property investment sa Pilipinas para sa kanyang mga negosyo, ay nagtungo sa Unit No. 1536, Tower D ng Shell Residence na matatagpuan sa kahabaan ng Sunrise Drive, SM Mall of Asia Complex upang makipagkita kay Tony, na nagpakilala sa kanya bilang condo unit seller, bandang 4:35 ng hapon.

Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez

Sinabi ni Lai na kinaibigan siya ni Tony sa pamamagitan ng mobile application na WeChat at inalok na ang nasabing condo unit sa halagang P4,740,000. Inabisuhan ni Tony si Lai na ibigay ang downpayment na P2,370,000 kung talagang interesado ito.

Gayunman, nang pumasok si Lai sa loob ng condo unit, armado na si Tony at ang kasabwat nito, hinatak siya at kinuha ang kanyang leather shoulder bag na naglalaman ng downpayment.

Tinakpan din ng mga suspek ang bibig ni Lai, at iginapos ang mga kamay at paa gamit ang packaging tape at tumakas matapos ang insidente.

Nagawang makatakas ni Lai at iniulat ang insidente sa security personnel ngunit wala na ang mga suspek.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. - Martin A. Sadongdong