Ni: Clemen Bautista

TUWING sasapit ang una at ikalawang araw ng Nobyembre, may pagdiriwang at paggunita, batay sa liturgical calendar ng Simbahan, ang binibigyang-halaga. Ito ay ang pagdiriwang ng “Todos Los Santos” o All Saints’ Day tuwing Nobyembre 1 at ang “All Souls’ Day” o Araw ng mga Kaluluwa tuwing Nobyembre 2.

Ang Todos los Santos ay pandaigdigang pagdiriwang at pagpaparangal ng mga Kristiyanong Katoliko sa lahat ng mga taong naging martir at banal na namatay sa ngalan ni Kristo, kasama na rito ang mga hindi nabigyan ng pangalan. Tinatawag na triumphant church. Ang Araw ng mga Kaluluwa ay tinatawag na Suffering Church na tumutukoy sa mga kaluluwa na nasa Purgatoryo na nangangailangan ng dasal para sila’y makaakyat sa Langit.

Sa iniibig nating Pilipinas, ang Todos los Santos, na kung tawagin ay Undas, ay napakahalagang tradisyon ng mga Pilipino partikular na sa mga Katoliko sapagkat iniuukol sa paggunita sa mga namayapang mahal sa buhay. Ang mga naulila ay nagtutungo sa mga sementeryo, memorial park, columbarium at iba pang libingan upang mag-vigil, mag-alay ng mga bulaklak, magtirik ng mga kandila sa ibabaw o paanan ng puntod ng namayapang mahal sa buhay at mag-ukol ng maikling panalangin. Nagsisiuwi sa mga lalawigan na roon nakalibing ang kanilang mahal sa buhay na namayapa na. Ang ika-2 ng Nobyembre ay pagkakataon ng ilan nating mga kababayan na makadalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa pagkabigong makadalaw sa unang araw ng Nobyembre.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa pagdiriwang ng All Saints’ Day at paggunita sa Araw ng mga Kaluluwa, may inihandang gawain ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Rizal Engineering District 1 at Rizal Engineering District II. Ito ay ang ilulunsad na LAKBAY-ALALAY 2017 o motorist assistance na tutulong sa mga kababayan natin na magsisiuwi sa kani-kanilang bayan at lalawigan.

Ayon kay District Engineer Roger Crespo, ng Rizal Engineering District I, ang Lakbay-Alalay 2017 sa Rizal ay sisimulan sa Oktubre 30, sa ganap na 5:00 ng hapon at matatapos sa tanghali ng ika-2 ng Nobyembre. May mga tauhan na maglilibot sa mga pangunahing lansangan ng Angono, Taytay, Antipolo, Cainta at Binangonan. Ang nasabing mga tauhan ng Rizal Engineering District I ang tutulong sa mga magkakaproblema sa paglalakbay. Ang pinaka-station sa unang distrito ng Rizal ay nasa Manila East Road, kilometer 34 plus 500 sa Binangonan, Rizal. Tig-12 oras ang duty ng dalawang grupo ng mga tauhan. May tatlong dump truck at tatlong service vehicle na nakaantabay. Oras-oras ay may maglilibot upang malaman ang kalagayan sa mga lansangan.

Ayon naman kay District Engineer Boying Rosete, ng Rizal Engineering District II, ang pinaka-station ng Lakbay-Alalay 2017 sa ikalawang distrito ng Rizal ay nasa Sakbat road, kilometer 47 plus 300 sa Morong, Rizal. May tatlong dump truck, dalawang service vehicle at isang payloader na nakaantabay. Hinati sa tatlong shift ang duty ng mga tauhan ng Rizal Engineering District II. Ang unang shift ay mula 6:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon. Ang ikalawa ay mula 2:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi, at ang ikatlong shift ay 10:00 ng gabi hanggang 6:00 ng umaga.

Ang Lakbay Alalay 2017 sa Rizal na ilulunsad ng Rizal Engineering District I at Distrct II ay alinsunod sa utos ni Regional Director Samson Hebra, ng DPWH Region IV-A Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon).