Ni GENALYN D. KABILING

Tinutugis pa ng gobyerno ang aabot sa 200 hinihinalang sangkot at sumusuporta sa terorismo na maaaring maglunsad ng “lone-wolf attacks” sa bansa.

Nagbabala sa publiko si Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Major Gen. Restituto Padilla, Jr. tungkol sa bantang dulot ng mga tinutugis na personalidad na nakatalaga sa martial law order na ipinalabas ng mga awtoridad.

“Out of the names indicated in the arrest order which is almost about 300, if I’m not mistaken, there were only about a hundred, most likely more than a hundred who were arrested,” sinabi ni Padilla sa press briefing sa Palasyo kahapon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“So, a big part of that list still remains at large. So, remember, they still remain at large so they still pose a threat… Sila’y maaaring pagmulan ng mga tinatawag ng mahal na Pangulo na lone wolf attacks,” dagdag ni Padilla.

Aniya, ang mga suspek na nakalista sa mga arrest order sa pagkakasangkot sa rebelyon sa Marawi ay maaaring nagtatago sa Metro Manila, sa Visayas, o sa Mindanao. Kabilang sa kanila ang mga umano’y miyembro ng Maute Group, Abu Sayyaf Group, at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

“So, hindi natin alam, kaya nga binabantayan natin at mino-monitor natin at patuloy ang imbestigasyon,” sabi ni Padilla.

Kasabay nito, hinimok ni Padilla ang publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad upang makaiwas ang bansa sa mga pag-atake ng terorista.

“Kailangang magkaisa tayo, kasi hindi biro ang banta ng terorismo. Masuwerte tayo ngayon, wala pang nangyayari tulad ng nangyari sa Gitnang Silangan at sa Europa dito sa ating bansa,” ani Padilla.

Una nang nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring magsagawa ng tinatawag na “lone wolf attacks” ang mga miyembro at tagasuporta ng Maute at Islamic State (IS) kasunod ng pagkabigo ng mga itong makubkob ang Marawi City.

Aabot sa 962 terorista ang napatay sa Marawi sa pagtatapos ng krisis nitong Oktubre 16.

“The fighting has ended officially about a week ago but may I just remind you to be vigilant and always aware that extremism is the problem of the planet today. Retaliation and vengeance is not far-fetched,” inihayag ni Pangulong Duterte sa 6th Philippine Professional Summit sa Manila Hotel nitong Huwebes ng gabi.

“Pati nga ako natatakot in the sense that they might want—opt to ‘yung lone wolf na naman because they have tried massive violent activity and they were defeated. They might, I said, opt to something more than just like a similar violent experimentation with the lone wolf,” aniya.