Ni: Czarina Nicole O. Ong
Iniutos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na sampahan ng kasong kriminal sina dating Bureau of Immigration (BI) Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles, kasama si Asian Gaming Service Providers Association, Inc. (AGSPA) President Wenceslao Sombero, Jr. sa kanilang pangingikil sa mga Chinese national.
Sinabi ni Morales na nilabag nina Argosino, Robles at Sombero ang R.A. 7080 o ang batas sa plunder, nang mangikil sila ng P50 milyon mula sa 1,316 arestadong Chinese nationals na lumalabag sa Philippine immigration laws.
Ayon sa mga imbestigador ng Ombudsman, si Sombero ang umasikaso sa kasunduan para kina Argosino at Robles, na nagbulsa ng P50 milyon mula sa Chinese gaming tycoon na si Jack Lam noong Nobyembre 27, 2016.
Mahaharap ang tatlo sa tig-isang bilang ng plunder, direct bribery at paglabag sa Section 3(e) ng R.A. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Kakasuhan din sila ng dalawang bilang ng paglabag sa P.D. 46.
Samantala, ang sinibak na si BI Intelligence Chief Charles Calima, Jr. ay kakasuhan ng isang bilang ng direct bribery at isa pang bilang ng graft.
Si Lam naman ay sasampahan ng paglabag sa P.D. 46 sa pagbigay ng P50 milyon.