NI: Jun Fabon

Inilunsad ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) ang “Oplan Implan Biyahe Ayos! Undas 2017” bilang paghahanda sa inaasahang exodus sa paggunita ng Undas sa mga lalawigan sa Nobyembre 1 at 2.

Ayon kay Atty. Clarence Guinto, director ng LTO-NCR, bahagi ng paglulunsad ang “Seminar on Road Safety” ng mga pampublikong sasakyan, lalo na ang provincial bus.

Aniya, nakipag-ugnayan na kahapon ang LTO-NCR sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at LTO-Motor Vehicles Inspector Unit, hinggil sa pagsasagawa ng inspeksyon sa lahat ng bus terminal sa Metro Manila, bilang paghahanda sa Oplan Implan Biyahe Ayos! Undas 2017.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Nabatid na ang LTO-NCR, Department of Transportation at LTFRB ay maglalagay ng “Help Desk” para maalalayan ang mga pasaherong magbabakasyon sa mga lalawigan upang bisitahin ang mga yumaong mahal sa buhay.

Mamimigay naman ang LTO-NCR ng information fliers sa mga bus terminal para sa mga bus na bibiyahe papunta sa mga lalawigan at pabalik sa Maynila.

Pinaalalahanan ni Guinto ang bus operators at drivers hinggil sa kautusan ni LTO Chief Edgar Galvante na mahigpit na ipapatupad ang 20% discount fare sa mga estudyante, may kapansanan, at senior citizens.

Magpapatupad naman ng random drug testing sa mga tsuper ng at konduktor na pangungunahan ng pinagsanib-pwersang tauhan ng LTO at LTFRB.

Nagbabala rin ang LTO at LTFRB na huhulihin at kakasuhan ang mga pasaway at isnaberong taxi drivers, maging ang mga kolorum na taxi.