Ni FER TABOY
Nadakip ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group(PNP-CIDG) ang sinasabing financier at miyembro ng Maute-ISIS sa Valenzuela City, kahapon.
Kinilala ni CIDG Director Roel Obusan ang naaresto na si Aminkisa Romato Macadato, umano’y financier ng Maute-ISIS, na nabigong makubkob ang Marawi City, makaraang tuluyang magapi ng puwersa ng gobyerno nitong Lunes.
Inaresto si Macadato sa isang bahay sa Valuenzuela City, sa bisa ng Martial Law Arrest Orders 1 at 2 ng Office of the Martial Law Administrator ng Department of National Defense (DND).
Hindi na nagawang tumakas ng suspek nang palibutan ng mga awtoridad ang kanyang bahay.
Nakumpiska umano kay Macadato ang isang baril at isang granada, kaya sasampahan din siya ng illegal possession of firearms and explosives.
Si Macadato at pamangkin ni Farhana Maute, ang ina ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute na nanguna sa pagsalakay sa Marawi noong Mayo 23.