DAHIL sa kahanga-hangang performance at liderato sa loob at labas ng court, si Alvin Pasaol ang nagsisilbi ngayong “heart and soul “ ng University of the East (UE).
Kaya naman hindi kataka -takang nagsisimula nang umangat ang kanilang laro para buhayin ang tsansa nilang umabot sa Final Four ng UAAP Season 80 men’s basketball tournament.
Umiika-ika pa dahil sa leg cramps sa huling bahagi ng laro, hindi bumitaw si Pasaol at nagpatuloy sa paglalaro at bumitaw pa ng mga clutch baskets hanggang tumapos na may 32 puntos upang ihatid ang Red Warriors sa panalo kontra University of the Philippines (UP), 73-64, nitong Linggo na naging susi upang mapili siya bilang UAAP Press Corps-Chooks To Go Player of the Week .Ito ang ikalawang pagkakataon na tumanggap siya ng nasabing citation matapos maitala ang historic 49-point performance sa kabila ng 100-106 kabiguan sa defending champion De La Salle na sinundan ng 32 puntos sa 96-91 panalo nila laban sa University of Santo Tomas.
Ang sophomore sensation ang siyang main man na nasa likod ng pagsirit ng UE sa nakaraang tatlo nilang panalo sa nakalipas na apat na laro na nag -angat sa kanila sa 3-7 marka.
Ngunit para sa league no. 2 scorer na may average na 22.2 points per game ,7.1 rebounds, 1.3 assists at 1.3 steals, lahat ay dulot ng sistema ni coach Derrick Pumaren at sa tulong ng kanyang teammates.
“Siguro nag-stick lang kami sa game plan namin para manalo kami ngayon. Maganda rin pinakita ng mga teammates ko, the way sila dumepensa, “ anang 6-foot-3 forward, na inungusan sina Santi Santillan ng De La Salle at Matt Nieto ng Ateneo para sa weekly citation.
Para kay Pumaren, si Pasaol ay isang napaka espesyal na manlalaro kumpara sa iba na kanyang mga nahawakan sa kanyang coaching career.
“Alvin, his game, has been ready. If he wants to score he can score. Very deceiving,” ani Pumaren. “Medyo ‘yung katawan. Akala natin hindi kaya ng katawan pero you’ll be surprised. He is willing to sacrifice his body. Alvin is a very special player so far na nahandle ko.” - Marivic Awitan