Nahaharap ngayon sa kasong graft sa Office of the Ombudsman si dating Department of Transportation and Communication (DoTC) Secretary Joseph Emilio Abaya at 29 na iba pang dating opisyal ng ngayon ay Department of Transportation (DOTr), dahil sa umano’y maanomalyang P3.8-bilyon kontrata na pinasok ng mga ito sa service provider ng MRT-3.

Bukod kay Abaya, kabilang sa kinasuhan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) sina dating MRT General Manager Roman Buenafe, Transportation Undersecretary for Operations Edwin Lopez, Undersecretary for Planning Rene Limcaoco, at Bids and Awards Committee (BAC) Chairman Camille Alcaraz.

Aabot sa 29 na pahina ang reklamong inihain ni DOTr Undersecretary for Legal Affairs and Procurement Reinier Paul Yebra.

Isinampa ang reklamo bunsod ng sunud-sunod na aberya sa MRT-3 sa nakalipas na mga linggo, na isinisisi sa palpak na serbisyo ng service provider ng MRT na Busan Universal Rail, Inc. (BURI).

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Binanggit din sa reklamo na aabot sa 48 light rail vehicles (LRVs) ang nabili ng DoTC sa China, pero hindi pa magagamit ang mga ito sa susunod na tatlong taon dahil sa problema sa compatibility nito sa signaling system.

Aabot na rin sa P900 milyon ang nagagastos ng pamahalaan sa BURI, sa kabila ng palpak na serbisyo nito.

Matatandaang inihayag ng DOTr na na-terminate na ng kagawaran ang kontrata ng BURI sa pamahalaan dahil sa halos araw-araw na aberya sa MRT-3. - Rommel P. Tabbad