World Egg Day sa San Jose, Batangas
World Egg Day
sa San Jose, Batangas

Sinulat at mga larawang kuha ni LYKA MANALO

IPINAGDIRIWANG ng San Jose, Batangas ang festival ng mga itlog kapag sumasapit ang World Egg Day tuwing Oktubre.

Ang San Jose ang tinaguriang Egg Capital of the Philippines dahil sa milyun-milyong itlog na nagmumula rito araw-araw na isinusuplay sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas.

Tourism

'No. 1 most traveled Filipino citizen globally' sinalubong sa Mactan airport

Ayon kay Mayor Ben Patron, malaking porsiyento ng pondo ng San Jose and nagmumula sa kita ng industriya ng itlog at poultry farms.

Gayundin, marami sa mga taga-San Jose ay sa itlog nabubuhay.

Kaya bilang pasasalamat ay nagsasagawa ang lokal na pamahalaan ng iba’t ibang aktibidades na may kinalaman sa itlog gayundin upang magkaroon ng promosyon ng turismo sa kanilang bayan.

Ilan sa naging pangunahing programa sa pagdiriwang ng World Egg Day ang Mosaic Art gamit ang balat ng itlog o anumang may kaugnayan sa egg products na nilahukan ng iba’t ibang eskuwelahan sa nasabing bayan.

World Egg Day sa San Jose, Batangas

Ipinamalas naman ng LGBT Community ang kanilang talento sa Batangas Costumes Competition na yari mula sa egg products, kapeng barako beans, niyog, at iba pang produkto mula sa kanilang bayan.

Kaagapay ang San Jose Business Club, nagkaroon din ng Egg Cooking Contest para maipamalas ng mga taga-San Jose ang galing nila sa pagluluto gamit ang itlog. Nilahukan ang paligsahan ng mga restaurant sa San Jose at sinundan ito ng isang boodle fight.

Ayon kay Mayor Patron, napatunayan din sa pamamagitan ng pista na ligtas kainin ang itlog at poultry products mula sa San Jose sa kabila ng pagkakaroon ng bird flu sa ilang lugar sa Northern Luzon.

World Egg Day sa San Jose, Batangas

“This is to prove that San Jose is free from bird flu virus and to show that we are the egg capital in the Philippines” ayon kay Patron.

Ang tatlong araw na selebrasyon ay sinimulan noong Oktubre 12 at may iba’t ibang programa tulad ng Senior Citizens Parade, Sinuam Feeding, motorcades, color fun run at job fair.

Ayon kay Konsehal Renji Arcilla, chairman ng Committee on Tourism, marami silang ginagawang resolusyon at inobasyon upang lubos pang makilala ang kanilang bayan sa larangan ng ekonomiya at turismo.

Kaugnay nito inilunsad din ang Chef Jose -- ang magiging products station ng San Jose na puntahan ng mga nagnanais bumili ng mga produkto sa kanilang bayan.

Kasabay din ng pagdiriwang ang paglulunsad ng kauna-unahang heavy cured salted egg product na pinoproseso sa loob ng 7 araw at tumatagal ng tatlo hanggang anim na buwan.

Ayon kay Arcilla, noong nakaraang taon ay sinubukan din ng San Jose na mapabilang sa Guinness World Records na may pinakamahabang linya ng itlog sa tray.

Gumamit ng mahigit 180,000 itlog ang San Jose sa tulong ng poultry farms at inihanay sa dalawang kilometrong kalsada.