Ni: Mary Ann Santiago
Muling tiniyak ng pamunuan ng University of Sto. Tomas (UST) na handa itong makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng law student nitong si Horacio Tomas “Atio” Castillo III, dahil sa hazing.
Sa pahayag ng UST nitong Biyernes ng gabi, nagpahayag din ng pagkabahala ang unibersidad sa naging pahayag ni Senator Chiz Escudero sa isang press briefing na ‘tila wala umanong aksiyon ang eskuwelahan sa pagkamatay ni Atio matapos sumailalim sa hazing ng Aegis Juris fraternity.
Mariin naman itong pinabulaanan ng UST, at iginiit na, “On the contrary, on the first day the news broke out, the University manifested its grief, offered prayers, and conveyed its profound sympathy to the family of Horacio.”
Giit pa ng UST, kinondena nito ang walang saysay na uri ng karahasan na ikinasawi ni Atio, nagdeklara ng araw ng pagluluksa, at bumuo ng komite para mag-imbestiga at malaman ang katotohanan alinsunod sa batas at sa due process, bukod pa sa pakikipag-ugnayan sa Manila Police District (MPD) at National Bureau of Investigation (NBI).
Kasabay nito, nagpahayag ng suporta ang mga law professor ng UST kay College of Law Dean Nilo Divina hinggil sa alegasyon na nagkaroon ng cover-up sa pagkamatay ni Atio.
Sa “Manifesto of Support” ng UST Faculty of Civil Law Professors, nagpahayag sila ng paniniwala na umaksiyon nang patas at nararapat si Divina bilang isang Dean.
Sa Senate hearing sa kaso noong nakaraang linggo, hinimok ni Senator Grace Poe si Divina na mag-leave muna habang sinisiyasat ang kaso, pero tumanggi ang dean.
Miyembro rin ng Aegis Juris fraternity, iginiit ni Divina na nanatili siyang neutral sa kaso at dumistansiya na rin siya sa frat.