SUPORTADO ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kampanya ng Pilipinas para maging co-host ng 2023 FIBA Basketball World Cup – pinakamalaking torneo sa basketball bukod sa Olympics.
Ito ang paniniguro ng Pangulo matapos ang pakikipagpulong sa mga opisyal ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) at mga kinatawan ng FIBA nitong Huwebes sa Manila Hotel.
Nagsagawa muna ng inspection sina FIBA Central Board and Commission president Hamane Niang ng Mali, FIBA Central Board member and treasurer Ingo Weiss ng Germany at advisor to the FIBA secretary-general Lubomir Kotleba ng Slovak Republic sa mga posibleng maging venue ng liga tulad ng Philippine International Convention Center, Smart Araneta Coliseum, Mall of Asia Arena at Philippine Arena.
Sa maiksing pagpupulong, kasama rin sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Special Assistant to the President Christopher Lawrence Go, SBP president Al Panlilio, SBP executive director Sonny Barrios at SBP deputy executive director for international affairs Butch Antonio.
Kasama ng Pilipinas ang Japan at Indonesia para sa nasabing hosting kung saan tampok ang 32 bansa.
Ang magwawagi sa 2023 World Cup ay kwalipikado na sa 2024 Olympic Games sa Paris, France.