Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Inihayag ng Malacañang na ang paglaya ng Marawi City mula sa terorismo ay hindi nangangahulugang makakampante na ang gobyerno, dahil may mga tao pa ring nagsisikap na maipagpatuloy ang rebelyon ng mga terorista.

Ito ay kasunod ng pagkumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkakadakip kay Karen Aizha Hamidon, 36, na sinasabing recruiter ng Maute Group at Islamic State (IS).

“The arrest of Karen Aizha Hamidon by the agents of the National Bureau of Investigation yesterday (Wednesday) underscores that we cannot let our guard down in the fight against terrorism as some remnants of the forces of evil are still at large,” sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa press briefing kahapon. “Our efforts to hunt down extremist elements who want to sow fear and terror, and want to maintain peace and order in the community, continue.”

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Kasabay nito, pinaalalahanan ni Abella ang publiko na manatiling alerto at kaagad na isumbong sa mga awtoridad ang alinmang kahina-hinalang tao, insidente, o bagay na mamamataan.

Paliwanag pa ni Abella, natagalan ang pagdakip kay Hamidon dahil kinailangan pang beripikahin ng intelligence community sa bansa ang mga impormasyong ipinarating ng gobyerno ng India laban kay Hamidon.

Una nang napaulat na Agosto 2016 pa nakikipag-ugnayan ang National Intelligence Agency ng India sa Pilipinas tungkol kay Hamidon, na natunton sa pagre-recruit ng mga Indian para magtungo sa Syria at sumali sa IS.

Ayon kay NBI Director Dante Gierran, Oktubre 11 nang arestuhin ng mga operatiba ng NBI-Counter Terrorism Division si Hamidon sa bahay nito sa Taguig City, matapos matunton nang mag-post sa mga public group sa social media app na Telegram.

Sa kanyang mensahe, hinimok ni Hamidon ang mga Muslim na magtungo sa Pilipinas at sumali sa pakikipaglaban ng IS sa Marawi, sa layuning makapagtayo ng wilayah o probinsiya ng IS sa siyudad.