Ni NOEL D. FERRER
SHOWING na ngayon ang Bes and The Beshies, ang pelikulang magtatampok sa apat na best friends na sina Charla, Melba, Tisay at Sophiena may kanya-kanyang personal na isyu.
Si Charla (Ai Ai delas Alas) ay single parent ng 15-year old lovechild na si Dans (Nikko Natividad) na in-enroll niya sa isang exclusive school at umaasa siyang babalik ang asawa niyang si Willy (Alan Paule) na nang-iwan sa kanya 15 years ago. Nagbebenta siya ng sweet corn at bling-blings at naglilingkod bilang barangay kagawad to survive.
Kept woman naman si Tisay (Carmi Martin) ni General Stone (shades of Bato), na gagawin ang lahat para mabuntis, kahit lipas na sa biyahe - para lang makakapit sa karelasyon na makapangyarihang military man.
Si Sophie (Beauty Gonzales) ang pinakabatang katropa nila na kontesera sa mga beauty pageant na maganda nga pero lagi namang talunan dahil sa katabilan niya.
At single mother naman si Melba (Zsa Zsa Padilla) na may dalawang anak na mag-isa niyang itinataguyod dahil walang suporta ang asawa niyang si Gordon. May-ari siya ng karinderyang bumubuhay sa kanila.
Ang nakakatawa rito sa role ni ZsaZsa ay una itong inialok kay Karla Estrada na hindi umubra ang schedule. ‘Tapos, inisip din si Lorna Tolentino. Wala namang isyu kay ZsaZsa kung may naunang ikinonsidera sa role niya, basta wala siyang natatapakang ibang tao at, “Basta ang mahalaga, ako ang last choice,” pabirong sabi ng Divine Diva.
Paano niya nalaman ito? Nabuking lang niya noong ibigay sa kanya ang script na ibang pangalan pa ang nakalagay dahil hindi yata nabura ng tagapamahala sa script at talents.
Pero walang keber si ZsaZsa sa mga ganyan, in fact naging major blessing-in-disguise pa nga ang ganyang roles sa kanya.
Sabi ng mga kasama niya sa produksiyon, “Panoorin mo si ZsaZsa rito sa Bes and the Beshies at lutang na lutang ang pag-grow niya sa karakter niya.”
At isa pang ipinagkakapuri ng staff kay ZsaZsa, parang datihang artista raw siya in the mold of Tito Dolphy na napaka-professional at hindi nali-late sa set, at madalas pang nauuna sa ibang staff.
Kaya naman ang gaan-gaan daw ng atmosphere sa set ng Bes and the Beshies.