Ni: Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(MOA Arena)

2 n.h. -- Adamson vs UE

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

4 n.h. -- NU vs Ateneo

MAKALAPIT sa inaasam na unang Final Four berth ang target ng league leader Ateneo de Manila sa muli nilang pagtutuos ng National University sa tampok na laro ngayong hapon sa pagpapatuloy ng second round ng UAAP Season 80 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena.

Hawak ang malinis na 8-0 karta, tatangkaing ng Blue Eagles na manatiling matayog sa paglipad sa pagsagupa sa Bulldogs ngayong 4:00 ng hapon

Mauuna rito, magtatapat ang Adamson University at ang nag-iinit ngayong University of the East ganap na 2:00 ng hapon.

Sisikapin ng Blue Eagles na maulit ang 96-83 panalo sa Bulldogs noong unang round para sa ika-9 na sunod nilang panalo na magpapatatag ng kapit nila sa liderato.

Gayunman, mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni coach Tab Baldwin na wag tumingin sa standings kundi mag-focus sa susunod nilang laban.

“We are really not looking at our standings. What coach Tab [Baldwin] wants us to look at is the next game,” pahayag ni Ateneo lead assistant coach Sandy Arespacochaga. “We might sound like a broken record but again we will watch some tape and the key is that we need to improve every game.”

Sa kabilang dako, magkukumahog namang makabangon mula sa di inaasahang 77-90 kabiguan nila sa kamay ng UE Red Warriors ang Bulldogs upang makapantay sa University of the Philippines sa ikalimang posisyon at patuloy na buhayin ang tsansa nilang umusad sa Final Four.

Mauuna rito, sisikapin ng University of the East na maipagpatuloy ang naitalang unang back-to-back wins sa muli nilang pagtatapat ng Adamson na hangad namang bumangon mula sa 59-71 kabiguan sa nakaraang laban nila ng Blue Eagles.

Inaasahang sasakyan ng Warriors ang momentum na nakuha mula sa dalawang sunod nilang panalo kontra University of Santo Tomas at NU upang maipaghiganti ang 60-79 kabiguan sa Falcons noong first round.

“It will be tighter and tighter and there’s no third round. So we must be prepared always, “ pahayag ni UE coach Derrick Pumaren.