Nina Jun Fabon at Rommel P. Tabbad

Umabot sa P96 milyon ang halaga ng pinsala na idinulot ng Bagyong 'Odette' sa Allacapan, Cagayan, iniulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).

Ayon sa NDRRMC, P84 milyon ang halaga ng nasirang pananim sa mga palayang binaha.

Nasa P12 milyon halaga ng imprastruktura, na kinabibilangan ng mga kalsada at tatlong tulay, ang nawasak sa pag-apaw ng ilog dahil sa walang patid na buhos ng ulan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon pa sa NDRRMC, tataas pa ang halaga ng pinsala dahil hindi pa kasama rito ang nawasak na irrigation canal sa Barangay Dagupan at ang ipinapatayong dam sa Bgy. Labben sa Allacapan.

Ayon sa pamahalaang lungsod, nabigyan na ng relief goods ang 900 pamilya, na binubuo ng mahigit 4,000 katao, na pawang nagsilikas.

Isinailalim sa state of calamity ang Allacapan para magamit ang calamity fund na ayuda sa mga residenteng lumikas at mga magsasakang nasiraan ng mga pananim.

Isa ang iniulat na namatay dahil sa bagyo. Ito ay ang magsasaka na tinangay ng baha habang iniinspeksiyon ang kanyang palayan sa Apayao noong Biyernes.