Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN, May ulat nina Beth Camia at Argyll Cyrus Geducos

Sa harap ng sangkatutak na isyung kinahaharap ng administrasyon at ilang araw makaraang bumulusok ang satisfaction at trust rating niya sa survey ng Social Weather Stations (SWS), mistulang nakabawi si Pangulong Rodrigo Duterte nang mapanatili niya ang “big majority approval ratings” sa huling Pulse Asia Research survey nang makakuha siya ng parehong 80 porsiyento.

Batay sa Ulat ng Bayan surveys nitong Setyembre 24-30, nanatiling mataas ang approval at trust ratings ni Duterte sa parehong 80%, habang naitala naman sa pinakamababa ang disapproval at distrust sa kanya sa 7% at 6%, ayon sa pagkakasunod.

Tumanggap si Pangulong Duterte ng 92% na approval sa kanyang performance ratings sa Mindanao, kasunod ang 86% sa Visayas, 76% sa Metro Manila, at 72% sa Luzon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Mataas din ang trust rating niya sa Mindanao na pumalo sa 93%, 86% sa Visayas, 76% sa Metro Manila, at 72% sa Luzon.

Sa panahong ginawa ang survey sa 1,200 respondents, isa sa malalaking balita ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa P6.4-billion shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs (BoC), na nakaladkad ang pangalan ng anak ng Pangulo na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at manugang na si Atty. Manases Carpio.

Sa nasabing panahon din pinabulaanan ng Presidente ang anumang state policy tungkol sa drug war, nagtungo sa Singapore si Senator Antonio Trillanes IV para patunayang mali ang alegasyon ni Duterte tungkol sa bank accounts umano ng senador, at nagbanta ang Pangulo na magtatatag ng komisyon upang imbestigahan ang Office of the Ombudsman.

Masaya naman ang Malacañang sa mataas na approval at trust ratings na naitala ng Pangulo sa Pulse Asia survey.

“Despite the multifaceted political noise, President Duterte is still the most approved and the most trusted government official in the Philippines today with an 80 percent approval rating and 80 percent trust rating,” sinabi kahapon ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella Abella.

“The survey [was] conducted last September 24-30 at the height of the demolition job against the President, even implicating some members of the President’s family,” dagdag pa ni Abella.