Ni: Dave M. Veridiano, E.E.
ISANG napapanahon at matalinong kautusan ang ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine National Police (PNP) at sa iba pang pangunahing ahensiya na ipaubaya na ang lahat ng anti-drug operations sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa sobrang dami kasi ng mga opisyal mula sa PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs (BoC), Philippine Postal Office (PhilPOST), at sa iba pang ahensiya at task force na pumapapel sa mga operasyon laban sa droga, lalo tuloy nagkakagulo ang “giyera” ni Pangulong Duterte laban sa mga sindikato – na nagreresulta sa mas maraming PATONG at PROTEKTOR.
Ang pagtatago nga lang ng nakumpiskang mga epektos ay pinag-aawayan pa at biglang nagtuturuan kapag ‘di na ito makita habang ‘di pa natatapos ang kaso – ‘yun pala ay pinagkakakitaan na ng mga tiwaling operatiba kasampakat ng mga sindikato... “Too many cooks spoil the broth,” kaya nararapat lamang at sadyang napapanahon ang memo na ito ni Pangulong Duterte.
Sa Republic Act 9165, na mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act, nakasaad na ang PDEA na lamang ang ahensiyang mangunguna sa pagresolba sa problema ng bansa sa ilegal na droga. Ngunit hindi nito pinagbabawalan ang ibang ahensiya na bumuo pa rin ng sariling mga task force upang mag-operate laban sa droga – ito ang dahilan ng paghahalong kalamay ng kampaniya ng pamahalaan laban sa mga sindikato ng droga.
Kaya upang ganap na maisaayos ang operasyon para sa kanyang drug war at madaling matukoy ang accountability sa sinumang gagawa ng katarantaduhan sa paglaban sa sindikato ng droga, pinirmahan ni Pangulong Duterte nito lamang Martes ang kautusang ito: “I hereby direct the NBI, PNP, AFP, BoC, PhilPOST and all other agencies or any and all ad hoc anti-drug task force, to leave to the PDEA, as sole agency, the conduct of all campaigns and operations against all those who, directly or indirectly, and in whatever manner or capacity, are involved in or connected with, illegal drugs.”
Sa pagkawala ng papel ng PNP sa mga operasyon laban sa droga, pinaigting naman ang kautusan sa mga tauhan nito na lumabas sa mga kalye at kalsada upang mapalakas ang police visibility na pangunahing sandata ng PNP upang mabawasan ang krimen sa kapaligiran. Pangunahin din sa kautusan sa PNP ang pagmamanman sa mga ilegal na aktibidad ng indibiduwal o grupo na may kinalaman sa droga at ibahagi na lamang nila ang impormasyong makukuha sa PDEA na tatrabaho upang maaresto ang mga ito.
Sa kautusang ito ni Pangulong Duterte – sana ay mabigyang linaw na rin kung paaano hahawakan ang mga nakukumpiskang kontrabando, kung kailan ito dapat na sirain o sunugin upang ‘di na NAPAPAIKOT ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Kasama na rito ang madalas kong banggitin dito sa IMBESTIGADaVe na dapat – “ang mga opisyal na namantikaan ng ilegal na droga ay hindi na mailagay sa anumang puwesto sa pamahalaan!” ... May mga pagkakataon kasing kung sino pa ‘yung lumutang na ang pangalan bilang protektor ng mga sindikato ng droga at nasampahan pa nga ng kaso ‘yung iba, ay nakakukuha pa ng magandang puwesto sa mga ahensiyang naka-frontline sa pakikibaka sa mga sindikato ng droga kaya sila mismo ang nagiging problema ng mga masisipag na operatiba ng PDEA…at ang aking pinakamalaking QUESTION MARK – Matigil na kaya ang walang patumanggang SALVAGING ng mga Dagang Dingding?
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]