Ni ADOR SALUTA
DAHIL magkalaban sa takilya sa darating na 2017 Metro Manila Film Festival (MMFF) sina Coco Martin at Vice Ganda, hindi tumitigil ang espekulasyon ng mga tao na may personal silang tampuhan.
Ang Panday ang entry ni Coco kasama ang mahigit 80 artista samantalang The Revengers naman pelikula ni Vice with Daniel Padilla and Pia Wurtzbach. Matatandaang nagsanib-puwersa sina Coco at Vice sa The Super Parental Guardians na intended sana sa MMFF 2016 pero hindi nakasali at ipinalabas noong November 30 at tumabo ng P590M. Ito ang may hawak ng record bilang highest grossing local film.
Sa pictorial ng The Revenger last Sunday sa Studio 4 ng ABS-CBN, nagpaliwanag si Vice tungkol sa sinasabing tampuhan nila ng King of Primetime.
“All is well? Yes, for me, ha?” bungad ng It’s Showtime host. “I cannot speak for anyone else, pero kung ako ang tatanungin ninyo, I’m okay with him. In-expect ko naman na ‘yan. Lahat naman ‘pag ganyan, di ba? Lagi naman.
“Ang mga tao kasi, laging hahanap ng isang negatibong bagay sa lahat ng mga pangyayari. It’s very sad na mas interesado ang mga tao ‘pag hindi maganda yung issue. Pero ‘pag maganda ‘yung issue, they won’t talk about it,” katwiran ni Vice.
Hindi pa sila nagpapangita ni Coco nitong mga nakaraang araw.
“For now, hindi, kasi hindi naman kami ganu’n ka-constant. Kasi malala ang trabaho ni Coco, malala din ang trabaho ko, pareho kami. Kung may free time siya, for sure mas gusto na niyang kausapin ang nanay niya saka lola niya.
“Ako din, ‘pag may free time ako, nanay ko na lang din muna ang tatawagan ko kaysa sa ibang tao.”
Pero nilinaw ni Vice na pareho lang naman sila ng layunin ni Coco.
“Masaya, kasi pareho lang naman kami ng intentions ni Coco. Gusto lang namin to be of service to our audience. May sarili siyang ways, may sarili din akong ways. Since Pasko ito, pareho lang namin gustong pasayahin ‘yung audience namin.”
Excited na si Vice para sa The Revengers.
“Siyempre, excited, kasi gusto ko ang mga kasama ko ngayon. First time ko silang makakasama, sila Daniel saka si Pia.
Excited, kasi si Direk Joyce uli ang kasama ko na direktor. First time, kasi maraming bago, first time ko na superhero. Naka-superhero na costume ako, so super happy.”
Ayon kay Vice, matagal na nilang inisip ng namayapang direktor na si Wenn Deramas -- ang direktor na nagpatanyag at nagbigay ng blockbuster movies sa kanya — na gumawa ng superhero movie.
“Yes, even before, even after the success of Praybeyt Benjamin, Direk Wenn and I have already thought of this, of doing this, a superhero movie, kaya lang ‘di natuloy. Dati, mayroon na rin kaming superhero na inaayos, nagpagawa na ng costume, may istorya na, ‘tapos ‘di natuloy.
“Ngayon, natuloy na. Wala man si Direk Wenn, hindi man siya ang gumawa, pero this is a realization of one of his dreams, kaya masaya ako na gagawin ito,” pagtatapos ng It’s Showtime host.