Ni: Marivic Awitan
Mga laro ngayon
(Fil Oil Flying V Center)
12 n.t. -- Arellano vs Perpetual Help (jrs/srs)
4 n.h. -- St. Benilde vs. EAC (srs /jrs)
SISINGHAP-SINGHAP ang kampanya ng Arellano University at batid ni coach Jerry Codinera na walang puwang ang kabiguan sa Chiefs sa mga susunod na laban.
Kakailanganin ng Arellano na maidispatsa ang sibak nang Perpetual Help sa kanilang pagtatagpo ngayon para mabigyan ng dagdag na buhay ang kampanya na makahirit sa ika-apat at huling Final Four slots sa NCAA Season 93 men’s basketball tournament Flying V Center sa San Juan City.
Haharapin ng Chiefs ang Altas ganap na 2:00 ng hapon.
Maghaharap naman ang kapwa sibak nang College of St. Benilde at Emilio Aguinaldo College ganap na 4:00 ng hapon.
Kasalukuyang katabla ng San Sebastian College sa ikalimang puwesto taglay ang barahang 7-9, puwede pang humabol sa nalalabing Final Four berth ang Arellano kung mananalo ngayon sa Altas at umasang matalo ang Letran sa huli nitong laro bukas kontra defending champion San Beda College.
Sakaling magtapos ang tatlong koponang Letran, Arellano at San Sebastian na barahang 8-9, magkakaroon ng playoff upang alamin kung sino ang uusad at kokopo ng pang -apat na semifinals slot.
Ngunit, sakaling masilat ng Knights ang No.2 Red Lions, mawawalan na ng saysay ang pagnanais ng Chiefs.
Malaking problema pa para sa Chiefs kung makakalaro ang ace playmaker na si Kent Salado na sinamang palad na may injured ang kanang tuhod sa nakaraang panalo nila kontra Stags nitong Martes.
Kung di makakalaro si Salado, sasandig ang Chiefs kina Levi de la Cruz, Michael Cańete at pro bound Lervin Flores at Zach Nicholls upang magawa ang kanilang misyon.
“We have no choice but to win, that’s the only way to make it to the Final Four,” sambit ni Codinera.
Iskor:
Arellano (85) - Salado 22, Cañete 15, Dela Cruz 10, Nicholls 9, Viloria 8, Abanes 6, Flores 4, Meca 4, Alcoriza 3, Concepcion 2, Enriquez 2, Taywan 0.
San Sebastian (79) - Bulanadi 14, Ilagan 14, Calma 12, Gayosa 9, Navarro 9, Calisaan 7, Capobres 7, Costelo 3, David 2, Mercado 2, Baetiong 0, Quipse 0, Valdez 0.
Quarterscores: 20-19, 38-33, 60-52, 85-79.