Ni FRANCO G. REGALA
Pitong pulis sa Angeles City Police sa Pampanga na una nang sinibak sa tungkulin ang isa-isang inaresto ng pulisya sa siyudad nitong Martes, kaugnay ng kasong robbery-extortion sa tatlong Korean noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Ayon kay Police Regional Office (PRO)-3 director Chief Supt. Amador V. Corpus, nagsanib-puwersa ang Angeles City Public Safety Company, Pampanga Criminal Investigation and Detection Team (CIDT), at Police Station 3 sa pagdakip kina PO3 Roentjen Ibot Domingo, 39, ng San Fernando City; PO2 Jose Summile Yumul Jr., 34, ng Mabalacat; PO2 Ruben Manuel Rodriguez II, 36, ng Angeles City; PO2 Richard King Reyes y Agapito, 30, ng Angeles City; PO2 Rommel Dayrit y Manicdao, 39, ng Magalang; PO2 Jayson Jingco Ibe, 37, ng Angeles City; at PO2 Mark Joseph Salen Pineda, 29, ng Angeles City.
Pawang dating nakatalaga sa Angeles City Police-Station 4 ang pito.
Matatandaang sinibak sa serbisyo ang pito noong nakaraang buwan dahil sa pagkakasangkot sa robbery-extortion ng tatlong Korean sa Angeles City, noong Disyembre 30, 2016.
Inaresto ang pitong dating pulis sa bisa ng arrest warrant sa kidnapping for ransom, at robbery in band na walang inirekomendang piyansa.