Ni REGGEE BONOAN

“SIGURO mag-boyfriend na ‘yun, hindi lang umaamin.”

Ito ang pahayag ni Dennis Padilla tungkol sa anak niyang si Julia Barretto at sa ka-love team nitong si Joshua Garcia.

DENNIS copy

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nabanggit ito ni Dennis pagkatapos ng Q and A sa presscon ng The Barker na first directorial job niya at pinagbibidahan nina Empoy Marquez at Shy Carlos mula sa Blank Pages Productions at Viva Films -- mapapanood sa mga sinehan nationwide sa Oktubre 25.

“Palagay ko talaga siyota na ni Julia ‘yun sa mga galaw, ha?” dagdag pa ni Dennis. “Eh, kasi may mga picture sa Instagram minsan magkahawak ‘yung kamay, magkayakap. Saka kung hindi naman kayo mag-boyfriend, hindi ka naman papayag na magkahawak kayo ng kamay all the way, magkayakap, nagbubulungan. Bagay naman kayo kaya puwede na kayong umamin.”

Tiyak na maloloka si Julia sa pahayag na ito ng tatay niya dahil ibinuking siya nang husto. Pero nakakatuwa naman ang pagkakasabi ng comedian/direktor dahil halatang botong-boto siya kay Joshua.

Samantala, tinanong namin si Dennis kung bakit ngayon lang niya naisipang magdirek sa tagal na niya sa showbiz, halos apat na dekada na.

“Actually, matagal ko nang gustong magdirek, ‘kaso parang nahihiya akong i-offer ‘yung sarili ko na magdirektor.

‘Tapos nu’ng 2013, sabi sa akin ni Mayor Herbert (Bautista), ‘pare, gusto mong gumawa ng project, magdirek ka na kaya?”

“Sabi ko kay Mayor, ‘Mayor, parang hindi pa ako handa, kinakabahan ako, next time na lang,’ ‘tapos hindi na natuloy.

“’Tapos heto, nitong 2017, sabi ni Arlyn (de la Cruz, producer ng Blank Pages Production), ‘Dennis ‘yung project mo gusto ko, idirek mo.’ Kaya natuwa ako kay Arlyn. Sabi ko, ‘Talaga?’ ‘Tapos sabi nga niya, kaya ko raw.

“Actually, sabi niya, ‘Dennis ano ka ba, kaya mo ‘yan, ang tagal-tagal mo na sa pelikula, halos lahat ng direktor na magagaling nakasama mo na, sige na’. Kaya sa kaka-push niya sa akin, heto natuloy na ako sa The Barker,” masayang kuwento ni Dennis.

May usapan pa nga raw sina Direk Dennis at Arlyn na sa unang shooting day ay nandoon ang huli bilang moral support, pero hindi ito nakarating.

“Gusto ko nandoon si Arlyn kasi parang security blanket, unang araw kong nag-shoot, dumating siya gabi na, natapos ko na lahat ang mga eksena. Kaya sabi ko sa kanya, ‘Walanghiya ka, Arlyn, iniwanan mo ako.’

“’Tapos sabi sa akin ni Arlyn, ‘Ano ka ba, producer ako, hind ako direktor, dadating lang ako kapag may babayaran, pero ‘yung mga eksena, mga dialogue, bahala ka sa buhay mo’,” natatawang kuwento ni Dennis.

Kumuha ba siya ng crash course sa filmmaking?

“Wala, experience lahat. At pagdating sa mga shot, tinatanong ko ‘yung cameraman ko, sasabihin ko, ‘ano ba’ng magandang shot dito?’ Kasi sila ‘yung magaling sa technical, basta dine-describe ko lang. Sabi ko, gusto ko ang mukha ni Empoy mas malapit sa sine (screen) ‘tapos ‘yung kausap medyo malayo. ‘Tapos ii-explain sa akin na, ‘Ganito, Direk ang shot n’yan, dito natin ilalagay’.

“’Tapos eventually, habang nagso-shooting kami, natutunan ko na, na ganu’n pala ‘yun na kapag naglagay ka ng camera one dito, ‘yung camera two doon,” kuwento ni Dennis.

Mahirap bang maging direktor? At ano ang nakaka-stress na parte?

“Mahirap, lalo na kasi, number one, time limitation. ‘Pag binigyan ka ng mga sequences na kailangan mong tapusin ng day effect, may pressure ‘yun. ‘Tapos may night effect ka pa.

“May mga time na ‘yung artista mo ay mali-late dahil may prior commitment, so ‘yun ang hirap. Tulad nu’ng isang beses naming mag-shoot, ang peg namin dapat 8 AM magro-roll na kami dahil day effect at action ang kukunan, biglang nagkaproblema kami sa permit (sa location), ayaw kaming payagang mag-shoot at lumabas ang permit namin 1 PM, so kailangan kong kunan ‘yung dapat kukunan ng umaga, kaya hinabol ko from 1 PM to 5 PM bago magdilim, ‘yun ang nakaka-pressure,” pagtatapat ni Dennis.

Komedyante si Dennis, kaya likas na cool siyang direktor at hindi nagagalit.

“Tawanan lang kami nang tawanan, saka mabiro rin kasi ako sa mike, hindi ako nagagalit. Kapag may mali, sasabihin ko lang, ‘ano ba, hello? Puwede ba, dapat lahat tayo magaling, tama?’ Ganu’n lang ako sa lahat,” pahayag ng bagong direktor.

Magastos ba siyang direktor?

“Sobrang magastos, ‘yung first day ko umabot ng P650,000, 2nd day ko, P400,000 kaya total ko lahat, buong pelikula naka P10 -11M din kami pati promo.”

At iba pa ang suweldo ni Dennis bilang direktor dahil siya rin pala ang sumulat ng istorya ng The Barker, sa loob ng isang linggo.

“Itong The Barker, wala pang one week kong sinulat noong 2013. Wala naman akong inspirasyon that time. Nakita ko lang ‘yung mga barker sa Caloocan, ang dami-dami. Sabi ko nga, ang hirap pala ng buhay nila, gawan ko nga ng istorya ‘to.

“Nakaka-observe ako, kaya sabi ko, dito ko nga i-base ‘yung buhay ng bida. Dati naisip ko nga, jeepney driver, eh, ang dami nang istoryang ganu’n kaya barker naman para maiba,” pahayag ng direktor.

At ang peg daw niya... “Combination of Eddie Rodriguez and Ben Feleo. Si Eddie ang direktor ko sa Mandurugas (1992), siya rin sa Grease Gun Gang (1992), action-comedy at saka madrama, di ba?”

Samantala, pangarap ni Dennis na maidirek ang anak niyang si Julia kasama si Joshua, at sa katunayan ay may script na siyang nabuo para sa kanila.

Hindi pa lang alam ng papa ng aktres kung kanino ito ipi-pitch.

“Puwede kong gawin ‘yun sa Star Cinema o sa Viva. Puwede kong ibigay ‘yung storyline sa Star Cinema at kung may idadagdag sila, okay naman sa akin, pero kung ano ‘yung umpisa ko at finale ko, dapat masunod, ilalaban ko talaga ‘yun. I’ll fight for that. Importante talaga sa akin na hindi baleng magdagdag o magbawas ka ng eksena sa gitna ng story, pero ‘yung start at ending, akin ‘yun,” pagtatapat ni Dennis.

Anyway, inamin ni Dennis na hindi na siya masyadong kabado ngayon dahil positive naman ang feedback ng mga nakapanood na sa The Barker. Ang trailer nito ay umabot na sa 3.5M views sa YouTube.

“Pero on the day of showing, doon ako kakabahan,” pag-amin ni Direk Dennis.